Barangay tanod nagpahangin, niratrat

PINAGBABARIL ang isang 40-anyos na barangay tanod habang nagpapahangin lamang sa labas ng kanyang bahay sa Quezon City.

Sinisilip ngayon sa isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ang anggulong “love triangle” ang naging sanhi ng pamamaril.

Namatay noon din ang biktimang si Rodelio Norio, binata, ng 63 Kaunlaran St., Barangay Commonwealth ng nasabing lunsod, tanod ng naturang barangay, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa kanyang ulo dibdib at likod.

Agad namang tumakas ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Romy Asis” dala ang baril na ginamit sa pamamaslang matapos matiyak na wala nang buhay ang biktima.

Sa report ng Batasan Police Station 6 ng Quezon City Police District (QCPD), ang insidente ay naganap bandang alas-nuwebe kagabi, Abril 27, sa labas ng kanilang bahay.

Ayon sa ina ng biktima na si Aling Marieta, katatapos lamang umano nilang maghapunan nang lumabas ng bahay ang biktima upang magpahangin.

Bigla na lamang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril at nang lumabas ang ina upang tingnan ang nangyari, nakita niya na lamang ang anak na duguan at nakabulagta.

Sinasabing ang biktima umano ay vendor ng mga cellphone accessories kung saan nililigawan nito ang isa ring vendor na may asawa.

Magmula noon ay marami na umanong natatanggap na banta ang biktima mula sa asawa ng  kanyang nililigawan.

Itinuturo ng ilang nakasaksi na may kinalaman umano sa pagpatay ang asawa ng nililigawan ng biktima na maaring dulot ng nasabing “love triangle”.

Kasalukuyang nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang QCPD para sa ikadarakip ng tumakas na suspek.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply