Bataraza isinailalim sa state of calamity

ISINAILALIM na sa state of calamity ng local government ang bayan ng Bataraza sa Palawan, kasunod ng cholera epidemic na nagresulta sa pagkamatay ng 20 katao.

Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH)-National Epidemiology Center (NEC) head Dr. Eric Tayag.

Ayon kay Tayag, makatutulong ang naturang aksiyon ng lokal na pamahalaan ng Bataraza upang magkaroon ng access sa calamity funds at maayos ang sistema ng tubig sa naturang bayan.

Makatutulong din umano ang naturang pondo upang makabili ng gamot ang lokal na pamahalaan para sa mga katutubong nagkakasakit.

“Ang local council ng Bataraza ay nag-declare ng state of calamity. Ang calamity funds ay magagamit nila para maayos ang sistema ng tubig doon, maayos ang sanidad at para may mabili na gamot bagama’t tumutulong ang DOH para ang katutubong may sakit pa ay matulungan kaagad,” ani Tayag.

Una nang lumitaw sa pagsusuri ng DOH team na ang kakulangan sa malinis na tubig ng mga residente ang naging dahilan kung bakit nagkaroon ng cholera outbreak doon simula noong Marso.

May 20 katao na ang namatay dahil sa diarrhea na sanhi ng cholera mula sa isang lokal na tribu sa lugar.

Tiniyak din ng DOH na patuloy silang tutulong at magmo-monitor sa Bataraza hanggang sa tuluyang maging maayos ang sitwasyon doon. Kyle Gatus

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply