Bea napahanga si Vic Sotto sa galing umarte

BILANG isang fan, kakaibang Bea Alonzo umano ang nakita ni Vic Sotto nang magkatrabaho na sila para sa upcoming movie ng M-Zet Productions at Star Cinema, ang Pak! Pak! My Dr. Kwak!

Sa grand press conference ng pelikula nila sa Dolphy Theater, ABS-CBN compound, Quezon City, inamin ng komedyante na isa siyang masugid na tagahanga ng award-winning young actress.

At dahil nga sa pelikula, marami siyang nalaman tungkol sa Kapamilya actress.

Kuwento ni Vic, “Dati pinapanood ko lang sa pelikula ito, e. Fan ako ni Bea at saka ni John Lloyd [Cruz], e. Kaya kapag nadadaanan ko sa telebisyon, nanonood ako. Siyempre, ‘yon lang ang kilala kong Bea Alonzo, ‘yong ka-loveteam ni John Lloyd. Hindi ko naman kakilala personally.

“When I first met her, parang isang cast meeting, nagkakilala kami. I felt comfortable right away kasi kung ano ‘yong inaakala kong Bea Alonzo na mabait…. Minsan nagkakamali ka, e. Akala mo mabait pero hindi naman pala, parang hindi mo mabiro. E, nakita ko na she’s very down to earth, nice to be with, funny, and she’s very intelligent.”

Samantala, bagamat mas nakita na ang galing ni Bea sa mga drama, pinatunayan naman ng Prince of Comedy na kaya ring sumabak ng young actress sa mga nakakatawang eksena.

“If you’ll notice, parang ibang Bea ang mapapanood niyo rito,” sabi ni Vic. “Parang dito ko lang nakita si Bea na tumutulo ang laway, e. Pero doon mo makikita na magaling. Kumbaga sa luha, on-cue ‘yong tulo ng laway. Hindi ano ‘yon, e, hindi effects ‘yon, natural ‘yon.

“Magaling na artista si Bea. She knows how to react to situations, lalo na sa ginagawa namin ni Direk Tony [Reyes], na more of a situational comedy. So, ‘yong reaction is very important para mas effective ‘yong eksena. At hindi naging problema kay Bea, magaling siyang artista.”

At upang ipakita pa ang paghanga ni Vic sa kagalingan ni Bea, sinabi rin niya, “Madalas kong sabihin ito, kapag ang artista ay magaling, hindi problema kahit saan mo siya dalhin, kung anumang sitwasyon mo siya paaartehin.

“Katulad ni Bea, alam namin na magaling siyang artista, so hindi kami nagdalawang-isip na isama siya sa all-out comedy.”

Samantala, hindi naman kaila na mas madalas na nakikita si Vic sa GMA-7, kaya naman may ilang nagulat at natuwa na gagawa siya ng pelikula sa ilalim ng movie production unit ng ABS-CBN, ang Star Cinema.

Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na magtratrabaho siya sa pelikula katuwang ang Star Cinema. Noong 1994, ginawa ni Vic ang pelikulang Hindi Pa Tapos Ang Labada, Darling, kasama ang dati niyang asawa na si Dina Bonnevie.

Dahil dito, hindi na nanibago si Vic nang simulan ang Pak! Pak! My Dr. Kwak!.

“Hindi naman ako bago sa Star Cinema, so I don’t feel awkward or anything to that effect. I’m just very glad and I’ll be back for more,” sabi ni Vic.

Dagdag pa niya, “Originally, it was their proposal. Sila ang nag-alok sa akin if I want to do a movie na gano’n. Parang hindi ko kayang hindian dahil maganda ‘yong project at wala namang problema sa ABS-CBN at Star Cinema.

“So, walang naging balakid doon sa mga pinag-usapan, sa mga naging plano, sa conception ng proyekto, acting, takbo ng istorya, playdate, at promo. Everything went smoothly. At ako’y natutuwa na ginawa ko ito.”

Kapansin-pansin na si Vic ay isa sa mangilan-ngilang artista na nakakagawa ng mga proyekto sa tatlong magkakalabang TV networks—sa ABS-CBN, GMA-7, at TV5.

Para kay Vic, itinuturing niya itong isang magandang resulta na kanyang maayos na pakikisama sa mga nakakatrabaho niya.

Sabi pa niya, “‘Yon naman ang siniguro ko ever since, kahit noong nagsisimula pa lang ako maging aktor o producer, siniguro ko na along the way, wala akong makakaaway o makakasamaan ng loob. Kung meron man, e, dapat madaling ayusin. Ito na rin siguro ang bunga ng pag-iingat kong ginawa.” Girlie Raoet

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply