Bisikleta isusulong laban sa oil price hike

“SA ikauunlad ng bayan, bisikleta ang kailangan!”

Ganito ang pariralang nagpakulong kay Ariel Ureta noong panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ngunit ngayon ay may kabuluhan na ang salita sa harap ng lumolobong halaga ng produktong petrolyo.

Nitong Biyernes, iminungkahi ni Sen. Manny Villar ang paggamit ng bisekleta bilang alternatibong pamamaraan ng transportasyon upang makatipid ang bansa sa pag-aangkat ng langis at mapaunlad ang ating ekonomiya.

Binigyang-diin ni Villar na bukod sa makakatipid ka na sa P57 kada litrong presyo ng gasolina kung ikaw ay may sasakyan o P8 na minimum na pasahe sa jeep, mabuting magbisikleta na lamang ang mga tao para makatipid sa gastos at makabuti para sa kalusugan.

Simula Enero , umabot na sa 12 beses nang tumaas ang presyo ng produktong petrolyo sa bansa, kung saan ang presyo ng unleaded gasoline ay pumapalo na ngayon sa P 55 hanggang P 57 kada litro, kulang na lamang ng tatlong piso para sumampa sa P 60 kada litro.

Sa Senate Bill No. 2688 o ang Bicycle Act of 2011 ni Villar, lahat ng main road at highways ay lalagyan ng bicycle lanes o bike ways ng Local Bikeways Office (LBO). Ang LBO ang nakatokang ahensiya para sa implementasyon ng polisiya, patakaran o regulasyon patungkol sa Bicycle Act, kabilang na ang rehistrasyon ng bisikleta na dadaan sa bike ways. Ang ahensiyang ito ay nasa ilalim ng superbisyon ng city o municipal engineering office.

Ang unang nagpairal ng bicycle lanes sa bansa ay ang lungsod ng Marikina matapos na ipasa ng kanilang konseho noong 1996 ang isang ordinansa na ang lahat ng kalsada, eskinita, sidewalks, tulay, parke at iba pang pampublikong lugar ay magkaroon ng espasyo para sa mga bisikleta.

Kamakailan lamang, naglagay ng bicycle lane sa lahat ng kalsada sa loob ng Cultural Center of the Philippines Complex sa Pasay City.

Sinuportahan naman ni dating Sen. Richard Gordon ang panukala ni Villar sa pagsasabing ang ganitong panukala ay dapat sinusuportahan ng administrasyong Aquino.

Binanggit pa ni Gordon na imbes na puro papogi ang gawin ng administrasyon tulad ng pagbibigay ng subsidy sa mga jeepney at tricycle driver, ang dapat itulak ng gobyerno ay ang mga pangmatagalang solusyon tulad ng pagsasabatas ng bicycle lanes at ang seryosong kampanya para sa paggamit ng bisikleta.  Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply