Bistek, et al inireklamo ng informal settlers

INIREKLAMO ng ilang residente ng San Francisco del Monte (SFDM) Quezon City ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng lungsod kaugnay sa planong pagdedemolis sa kanilang mga kabahayan.

Kabilang sa mga inireklamo ng #74 Judge Juan Luna Neighborhood Association sina Mayor Herbert Bautista; City Building Official Isagani Versoza, Jr.; Secretary to the Mayor Tadeo Palma; at Task Force Copriss Officer-in-Charge Marlowe Y. Jacutin.

Kaugnay ito ng inisyung notices of demolition ni Jacutin para sa mga residente ng nabanggit na lugar.

Inalmahan ito ng mga residente sa pangunguna ng pangulo ng naturang samahang magkakapitbahay na si Jesus Gonzales.

Bumagsak ang naturang kaso sa Branch 226 ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC), sa sala ni Presiding Judge Leah D. Regala.

Noong Martes, Abril 5, nagsagawa ng mediation proceedings hinggil sa kaso at dito kinumpirma ng korte na pansamantala nilang iaantala hanggang Abril 15, ang pagbibigay ng desisyon para rito upang mabigyan ng pagkakataon na masagot ng mga inirereklamo ang mga alegasyon laban sa kanila.

Bukod sa mga opisyal ng QC Hall, inireklamo rin ng naturang grupo ang mag-asawang Daniel G. Lao at Pauline Tiffany Roxas Chua na mga pribadong may-ari ng naturang lupa.

Nagpalabas ng notice of demolition ang pamahalaang lungsod matapos lumabas sa pag-iinspeksyon ng City Health Department at Bureau of Fire Protection (BFP) na hindi ligtas para matirhan ng tao ang mga istraktura ng mga bahay sa nasabing grupo.

Wala rin umanong permit mula sa pamahalaang lungsod ang pagtira ng nasabing grupo sa nabanggit na mga istraktura.

Mariin namang pinabulaanan ito ng mga residente na nagsabing legal ang paninirahan nila sa lugar at may mga dokumento silang pinanghahawakan. Robert C. Ticzon

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply