Bomb squad ikinalat sa mga simbahan

SINIGURO ni Manila Police District (MPD) Director C/Supt. Roberto Rongavilla na hindi makalulusot ngayong Semana Santa ang banta ng  Abu Sayyaf Group (ASG) na maghasik ng karahasan partikular na ang pambobomba.

Nagtalaga si Rongavilla ng bomb squad at K-9 personnel mula sa Explosive Ordnance Division (EOD) na magiging katulong ng mga kapulisan sa pagbabantay sa seguridad sa mga simbahan at ilang matataong lugar sa Maynila.

Ayon kay Rongavilla, isinailalim na sa briefing ang may 25 miyembro ng bomb squad para sa pagtatalaga sa mga ito sa mga simbahan na kadalasang dinadagsa ng mga deboto.

Posible umano na samantalahin ng ASG para manggulo ngayong abala ang mamamayan sa panggunita ng Mahal na Araw kung saan dagsa ang tao sa mga simbahan.

Una nang naglabas ng intelligence report ang military hinggil sa banta ng ASG na magpasabog sa mga matataong lugar sa ilang piling lungsod kabilang ang Metro Manila.

Samantala, kapuna-puna naman ang police visibility sa tourist area sa Ermita, Maynila kasunod ng  pagpuna ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III noong Lunes na wala siyang makita ni isang pulis sa bandang Luneta kaya nagbanta ito na ipasisibak ang police community precinct commander na nakatalaga sa Rizal Park.

Tiniyak din ni Rongavilla na may sapat ding kapulisan na itinalaga sa vital installations, embahada, mga parke at malls maging  sa residential areas. Jocelyn Tabangcura-Domenden

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply