Itaas ang sahod ng manggagawa– Sen. Bong

HINAMON ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang mga employer sa pribadong sektor na sumang-ayon sa P125 kada araw na across-the-board wage increase o ma-obligang doblehin ang pagbabayad ng benepisyo ng kanilang mga tauhan.

Ito ang posisyon ng senador kasabay ng paghain niya ng Senate Bill No. 1981 upang mabigyan ng P125 kada araw na across-the-board increase sa mga sahod ng mga empleyado at manggagawa sa pribadong sektor.

Sa pagsusulong niya ng legislated wage hike, sinabi ni Revilla na patakaran ng Estado na iangat ang pamumuhay ng mga karaniwang Filipino, kabilang na ang mga working class, sa pamamagitan ng pagtiyak na angkop ang pakinabang mula sa produksyon na kanilang pinagpaguran.

“Nagtataasan na ang presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo. Dapat ipakita ng pamahalaan na tinutupad nito ang mga pangako nito. Hindi iyung hanggang salita na lang at kulang sa gawa.”

Aniya, dapat kilalanin ng gobyerno ang kahalagahan ng puwersa ng mga manggagawa sa pambansang ekonomiya at bilang kapalit, dapat masiguradong tumatanggap sila ng tamang sahod mula sa kanilang marangal na trabaho.

“Dapat nating garantiyahan ang karapatan ng mga manggagawa sa tamang sahod at itaguyod ang hustisyang-panlipunan sa pamamagitan ng mga hakbang na kalkulado upang matiyak ang ikakabuti at ikakaginhawa ng lahat ng mga miyembro ng komunidad,” anang mambabatas.

Idiniin  pa ng senador na napapanahon nang magkaroon ng lehislisadong hakbang upang matugunan ang lumalawak na panawagan ng pangkaraniwang manggagawa sa umento sa sahod sa harap ng tumataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

“Ang ating mga mamamayan, lalo na ang mga karaniwang manggagawa, ay dapat na ayudahan mula sa epekto ng inflation. Ang paghihintay pa ng kalahating taon bago resolbahin ang isyung ito ay mangangahulugan ng kapabayaan sa panig ng pamahalaan,” dagdag niya.

Sa ilalim ng SB 1981, lahat ng employer sa pribadong sektor, sa sektor ng pang-agrikultura man o hindi, anuman ang kapitalisasyon at bilang nga mga empleyado, ay dapat bayaran ang kanilang mga tauhan ng P125 kada araw na across-the-board wage increase. Ang umento ay iimplementa sa ganitong paraan: Apatnapu’t limang piso (P45) kada araw sa taon na naging batas na ang panukala; karagdagang apatnapung piso (P40) makalipas ang isang taon; at ang natitirang halaga sa ikatlong taon.

Bilang parusa, ang mga lalabag na employer ay magbabayad ng dobleng halaga ng di nabayarang benepisyo ng kanilang mga empleyado. Ang pagbabayad na ito ay hiwalay pa sa pananagutang-kriminal na ipapataw sa employer na kakabilangan ng multang mula dalawampu’t limang piso (P25) hanggang isaang daang libong piso (P100,000)  at pagkakakulong mula dalawa hanggang apat na taon.

“Naniniwala akong win-win solution ang utay-utay na P125 kada araw na wage increase. Tatamaan ang ekonomiya kung magkakaroon ng malawakang sibakan at pagsasara ng mga kompanya dahil sa isang buhos na umento sa sahod. Ang kailangan lang nating gawin ay ang ipilit sa mga employer na sumunod kaya magpapataw tayo ng mas mabigat na parusa sa mga lalabag, “ dagdag ni Revilla.

Iginigiit ng mga manggagawa ang legislated P125 wage increase bilang pangsalba sa sunod-sunod na pag-angat ng presyo ng langis gayundin ang pagtaas ng halaga ng mga produkto at serbisyo. Ang pinakahuling umentong ginawad ng mga regional wage board ay noong Hulyo 2010, mula P5 hanggang P22.

Ayon sa non-government research group na IBON Foundation, malaki pa rin ang kikitahin ng mga employer kahit magkaroon ng P125 wage increase.  Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply