Buwis sa e-cars hiniling alisin

MALAKI ang maitutulong ng pamahalaan na maibsan ang paghihirap ng taumbayan sa pagtaas ng presyo ng langis kung tatanggalin ang kinukolektang buwis sa inaangkat na electric cars.

Ito ang paniniwala ni Sen. Juan Miguel Zubiri, na tiniyak na malaki ang maitutulong sa Pilipinas ng inaangkat na electric cars o e-cars bilang alternatibong pamamaraan upang maiwasan ang dagok ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kasabay nito, hinikayat din ni Sen. Edgardo Angara ang administrasyon na dagdagan ang pondong inilalaan sa pagpapaunlad ng Renewable Energy (RE) industry upang mabawasan ang paggamit ng produktong petrolyo at magbigay ng mas malinis na alternatibo sa paggamit ng uling.

Naniniwala si Zubiri, chairman ng Senate committee on environment and natural resources, na marami nang gumagamit ng e-cars sa ibang bansa kaya’t nararapat nang tanggalin ang buwis sa pag-aangkat nito.

“Bukod sa makakaiwas tayo sa hagupit ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, makatutulong ang e-cars sa pangangalaga ng kalikasan,” giit ni Zubiri.

Nanawagan din ang senador sa Department of Energy (DOE) na pag-aralan ang panukala na amendahan ang oil deregulation law dahil hindi nakatutulong ang batas upang matiyak na nasa tamang presyo ang ibinebentang langis sa bansa.

Suportado din ni Zubiri ang hakbang ng administrasyon na pagpapaliwanagin ang dambuhalang kompanya ng langis sa kuwestiyonableng presyong ipinatutupad sa lahat ng produktong petrolyo.

Ayon naman kay Angara, napapanahon ang pagpapaunlad ng RE industry sa bansa tulad ng solar, wind, biofuels mula sa algae upang tugunan ang lumolobong presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

“Kailangan nang agresibong at mabilis na suporta ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng RE industry, tulad ng ilang malalaking bansa, upang makaiwas ang Pilipinas sa pagsandal sa paggamit ng inaangkat na langis at fossil fuels,” ayon kay Angara.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply