Cargo vessel engineer, patay sa sobrang init

PATAY ang isang 62-anyos na 2nd engineer ng cargo vessel matapos na ‘di nito nakayanan ang naghalong sobrang init ng panahon at init ng makina ng barko, Lunes ng hapon sa breakwater ng Manila Bay.

Nakilala ang biktima na namatay sa loob ng engine room ng M/V Mell Seletar na si Elias Lagda, 62, may-asawa, tubong-Kawit, Cavite.

Sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, Lunes, dakong ala-sais ng hapon, nang dumating sa breakwater ng Manila Bay ang cargo vessel kung saan pinuntahan ito ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG); Bureau of Immigration (BI); mga empleyado ng Marlow navigation, manning agency ng biktima; at maging ang pulisya upang imbestigahan ang insidente.

Ayon kay Vicente de Guzman, oiler, huli nitong nakitang buhay ang biktima dakong alas-5:30 ng hapon noong Abril 24 at iniinda umano ng biktima ang sobrang paninikip ng kanyang dibdib at nahihirapang huminga.

Nagulat na lamang ito nang malamang patay na ang biktima sa loob ng engine room na nakadapa at suot-suot pa sa magkabilang tenga nito ang headset.

Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ni de Guzman ang pangyayari sa kapitan ng barko na si Capt. Matijevie na siyang nakipag-ugnayan naman sa mga awtoridad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

 

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply