Dagdag na COLA inilatag ng Dole sa ARMM

HINDI madaragdagan ang minimum wage sa pribadong sektor sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), imbes ay posibleng dagdagan ng P10 ang cost of living allowance (COLA) sa rehiyon.

Ayon kay Secretary Myra Alih ng Department of Labor and Employment (Dole) sa ARMM, kinukunsidera ang dagdag sa COLA para sa mga manggagawa sa rehiyon upang makaagapay sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis.

Sinabi rin ni Alih kasalukuyang hinihintay ng Dole-ARMM ang lingguhang ulat sa presyo ng pangunahing bilihin mula sa Department of Trade and Industry (DTI) sa ARMM upang malaman kung gaano kalaki ang itinaas ng presyo na siyang magiging basehan ng dagdag na COLA.

Aminado si Alih na hindi sapat ang kasalukuyang P222 arawang sahod ng mga manggagawa sa rehiyon upang makabili ng mga pangunahing bilihin, subalit mahalaga rin aniyang isaalang-alang ang estado at kakayahan ng mga pribadong kumpanya at industriya sa rehiyon.

Sa kalagitnaan ng Mayo, ayon kay Alih, nakatakdang magsasagawa ng konsultasyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa  ARMM upang pag-usapan ang panukalang P10 dagdag sa COLA ng mga manggagawa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply