Dagdag sa SSS contributions, wrong timing!

ALANGANIN sa panahon ang planong karagdagan sa monthly contributions ng mga miyembro ng Social Security System (SSS).

Itinaon pa ng bagong board ng SSS ang kanilang plano kung kailan nahaharap ang taumbayan sa matinding krisis-pinansyal at sa ekonomiya, kung kailan pa nagsisipagtaasan ang presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin.

Sa isang ordinaryong empleyado sa pribadong sektura, hindi katanggap-tanggap ang panibagong increase sa kanyang buwanang kontribusyon. Lalo pa’t wala namang natatanggap na dagdag-sahod sa kanilang hanay na matagal na nilang inaasam na ipagkakaloob ng kasalukuyang administrasyon.

Lalong hindi katanggap-tanggap sapagkat hindi naman lingid sa mahigit sa 29-milyong miyembro nito sa pribadong sektura na ginagawang gatasan lamang ng mga opisyal ng gobyerno ang SSS —  kaliwa’t kanang pagnanakaw sa perang pinaghirapang ipunin ng mga miyembro.

Katulad noong nakaraang Ramos at Arroyo administrations, kung saan-saan napunta ang pondo ng SSS. Investment dito, investment doon. Nakaw dito, nakaw doon!

May naiulat pa na nagamit ang pera ng SSS noong 2004 at 2010 national elections dahil ipinag-utos daw ng Malacañang.

Bukod pa ang katotohanang “ginagahasa” o “niluluray” ang pondo ng SSS ng mga nagdaan at kasalukuyang namumuno nito. Ga-bundok ang halaga ng mga suweldo nila bukod pa sa tinatawag nilang “perks” at bonuses.

Paliwanag ni Emilio de Quiros Jr., presidente at CEO ng SSS, na layunin ng planong panibagong increase – mula sa kasalukuyang 10.4 porsiyento hanggang 11 porsiyento – ay upang maitaas ang mga benepisyong handog ng SSS.

‘Yan nga ang problema ng maraming miyembro ng SSS. Hindi sila makakuha ng benepisyo o pensyon dahil may problema ang SSS.

Bakit kinakailangan kunin pa sa mga miyembro ng SSS para lamang mabigyan sila ng mataas na antas ng benepisyo gayung may ibang mga paraan naman para maipatupad ng kasalukuyang SSS board ang naturang layunin?

Bakit hindi na lang ayusin mabuti ang paghawak sa bilyun-bilyong pisong pondo ng mga miyembro at mga negosyong pinasok ng nagdaang pamunuan ng SSS?

Sana’y natuto na ang kasalukuyang pamunuan ng SSS. Huwag sana nilang dalhin kung saan-saan ang pondo ng mga miyembro!

Naala-ala ko tuloy ang Smokey Mountain reclamation land scam (Smokey Mountain Development Reclamation Project) noong panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos kung saan isa ang SSS sa mga ahensiya ng gobyerno na nagpaluwal ng salapi ng taumbayan para lang sa kapritso ng pribadong kontraktor na si Regis Romero II.

Umabot sa P1.039 bilyon ang inilabas na pondo ng SSS para sa nasabing proyekto na kinalaunan ay walang kabutihang naidulot sa gobyerno at tanging ang nasabing kontraktor lamang ang kumita ng limpak-limpak sa bandang huli.

Ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno na nagpaluwal ng salapi ng bayan ay ang OWWA (P835 milyon); HGC sa pamamagitan ng Abot-Kaya Pabahay Fund (P350 milyon); PNB (P300 milyon); Landbank (P124 milyon); Provident Fund ng HGC (P30 milyon), at Pagcor (P6 milyon).

Hanggang ngayon ay wala pang napapala ang SSS sa proyektong ito!

* * * * * * * *
Kaugnay sa isyu ng SSS, nais kong bigyan-daan ang reklamo ng isa sa mga miyembro. Pinadala ito sa pamamagitan ng  text message mula kay Mrs. Norma D. Crisologo ng Corpuz St., Cuyapo, District 6, Nueva Ecija. (09177883185):

“Gud pm sir. Nais ko po sanang magpatulong sa inyo tungkol po sa problema ng mister ko sa SSS niya. Last year pa po ay 60 years old na siya at nag-claim na siya ng retirement pension niya as volunteer contribution, Laking pagtataka at gulat niya kasi po ay pinagbabayad siya, na underpayment pa daw siya ng P33,000 at may monthly penalty na P2,000. Tama naman ang amount na inihuhulog niya yearly. Imbes na 10 years ay 11 years pa nga po ang naihulog niya. Di sumobra pa po.  Nung nakaraang buwan ay may natanggap siya na sulat mula sa SSS branch sa Tarlac City at gusto po nilang palitan ang SSS number niya kasi may kapangalan daw po siya na taga-Baguio City kaya lang po walang middle name. Sa kaso po ng mister ko, may nakalagay po na middle name kaya katuwiran po niya sa SSS ay kung bakit nila papalitan. Kaya hanggang ngayon po ay hindi pa siya nagpupunta at nadi-depress  po siya sa kinalalabasan ng pagki-claim niya ng pension.
Maliit na halaga lang naman po ang magiging pension niya. Tulad ko po, P1,200 lang po. Pambili lang po ng gamot na pang-maintenance namin. Ang pangalan po ng mister ko ay Benjamin P. Crisologo at ang SSS number po niya ay  02-0646774-8.”

Sagot: Magtungo po kayo sa head office ng SSS sa Quezon City. Hanapin n’yo po doon ang opisina ni Mr. Joel Palacios, vice-president for media affairs, at tiyak na matutulungan po niya kayo sa inyong suliranin.

* * * * * * * *

Anomang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply