Plunder vs RGMA, 3 pa isinampa sa DOJ

KINASUHAN na ng plunder sa Department of Justice (DOJ) si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na ngayon ay Pampanga representative, dalawang dating Cabinet official at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Nakasaad sa 23-pahinang reklamo na inihain ni dating Solicitor General Frank Chavez, inilihis ng dating administrasyon ang P500-milyon pondo ng OWWA na nakalaan dapat para sa medical benefits ng overseas Filipino workers (OFWs).

Bukod sa dating pangulo, sabit din sa kaso sina dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, dating Presidente at Chief Executive Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PHIC) Francisco Duque III at OWWA Administrator Virgilio Angelo.

Nahaharap din ang mga ito sa kasong qualified theft at paglabag sa Omnibus Election Code, RA6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Official at paglabag sa Anti graft law.

Sinabi ni Chavez na inaprubahan ni Ginang Arroyo ang pag-divert ng P533,082,446 na OWWA Medicare Fund sa PHIC batay sa rekomendasyon ni Duque. Mismong si Duque umano ang bumalangkas ng Executive order na inaprubahan ni Arroyo.

Batay sa EO layon ng paglilipat ng pondo upang magkaroon ng impact para sa 2004 election at sa kagustuhan na rin ni Arroyo na maglaan ng health insurance sa walong milyong mahihirap sa pagtatapos ng taong 2003.

“Clearly, then, respondents are guilty of plunder through the first predicate crime, as the diversion of the said amount had absolutely nothing to do with the intended purposes of the OWWA fund,” ani Chavez.

Inaprubahan din umano ni Arroyo ang pag-divert ng US$293,500 na pondo ng OWWA upang gastusan ang mga aktibidad gaya ng stockpiling at pagbili ng mga sasakyan para sa mga opisyal ng Pilipinas na nakatalaga sa Lebanon, Jordan, Oman, Bahrain, Egypt at Iran bilang suporta sa giyera na inilunsad ng Amerika laban sa Iraq.

Ipinunto rin ni Chavez, batay sa 1987 Constitution ang lahat ng salapi na makokolekta ay dapat tratuhin bilang special fund at magagamit para lamang sa partikular na dahilan.

Sa kaso na ito, ang OWWA fund ay para lamang sa eklusibong pangangailangan ng mga OFW. Teresa Tavares

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply