Dayalogo ng CBCP, Palasyo sa RH bill itigil

TAMA na ang usap-usapan.

Ito ang ipinahiwatig ni Cebu Archbishop Emeritus Cardinal Ricardo Vidal kaugnay ng nagaganap na dayalogo sa pagitan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) at Malakanyang ukol sa kontrobersiyal na Responsible Parenthood bill (RP) bill.

Ayon kay Vidal, bale-wala na ang dayalogo dahil nanindigan na si Pangulong Benigno Aquino III na determinado siyang maisabatas ang RP bill.

Kaya, aniya, wala nang rason upang ipagpatuloy ang dayalogo.

“If he has already such a decision, What is the dialogue for? I don’t see any point for the dialogue,” ayon kay Vidal.

Idinagdag niyang: “When you are into a dialogue, there should no stand yet.”

Aniya pa, magkataliwas rin ang mga sinasabi ng Pangulo na hindi siya pabor sa aborsyon ngunit payag sa paggamit ng contraceptives, na pinaniniwalaan ng Simbahang Katoliko na nagdudulot ng aborsyon.

“It is a contradiction because the Church believes that many of the provision of RH bill are leading to abortion because these are abortificacient. Tapos sasabihin niya na he is not in favor but he is favor with the means. That is contradiction,” ayon pa sa Cardinal.

Pinayuhan pa ni Vidal ang pangulo na magnilay sa kanyang mga sinasabi at magdasal upang magkaroon siya ng isang mabuti at magandang desisyon.

Samantala, dismayado naman si Jaro Archbishop Angel Lagdameo, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), sa pahayag ni Aquino na isusulong nito ang RH bill kahit ang kapalit nito ay ang pagtakwil sa kanya ng Simbahang Katoliko.

Ayon kay Lagdameo, nakalulungkot dahil binigo ni Pangulong Aquino ang pagtitiwala sa kanya ng maraming Filipino lalo na sa usapin ng pagpapahalaga sa buhay at pamilya.

Pinayuhan rin ni Lagdameo ang Pangulo na huwag magpadalus-dalos sa kanyang desisyon sa halip ay sundin ang hinaing at panawagan ng nakararaming Filipino sa usapin ng Reproductive Health (RH) bill.

Sa kabila nito, umaasa pa rin si Lagdameo na hindi pa tapos ang laban at mananaig pa rin ang tama at moral.

Sa panig naman ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, sinabi nito na handa silang magtungo sa Malakanyang kasama ang buong clergy ng kanyang diocese para iparating kay pangulong Aquino ang pagtutol nila sa RH bill.

Ginawa ni Santos ang pahayag matapos sabihin ni Pangulong Aquino na isusulong nito ang panukalang batas kahit pa itiwalag siya ng Simbahang Katolika.

Anang Obispo, hindi titigil ang Simbahan sa kampanya nito para tutulan ang panukalang batas.

Samantala, hinamon ng isang kongresista ang Simbahan na basahin muna ang nilalaman ng kontrobersyal na RH Bill bago pa man magbigay ng kung anong kuro-kuro ukol dito at babuyin ang mga sumusuporta sa panukalang ito.

Ito ang panawagan ni Gabriela Rep. Luz Ilagan sa simbahan sa balitang mas pinatindi pa ng mga obispo at arsobispo ng simbahan ang kampanya laban sa RH bill.

Si Archbishop Paciano Aniceto, chairman ng CBCP sa Pampanga, ay nanawagan sa kanyang homily noong Linggo na dapat ipanalangin ng mga katoliko ang mga kongresista at mga senador na bumaligtad sa kanilang naunang posisyon o pagsuporta sa panukala.

Samantala, hindi naman ikinagulat ni Aurora Rep. Sonny Angara ang balitang pagpapatindi ng simbahan sa kanilang kampanya laban sa RH bill.

Ayon sa mambabatas, matagal ng tutol dito ang simbahan at hindi na aniya bago ang balitang ito.

“Matagal na rin namang ginagawa iyan so palagay ko wala ring nagbago,” aniya. Kyle Gatus/Meliza Maluntag

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply