Deputy Ombudsman Gonzales sinibak

SINIBAK na sa puwesto ng Office of the President (OP) si Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III dahil nagkaroon ng gross neglect of duty at gross misconduct sa paghawak sa dismissal complaint laban sa hostage-taker na si dating P/Sr. insp. Rolando Mendoza.

Ang desisyon ng OP ay alinsunod sa naging rekomendasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC).

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na direktang umaksyon ang Aquino administration laban sa isang opisyal na may kinalaman sa August 23 hostage-taking matapos ang ginawang pagrebisa sa IIRC report ng legal team ng Malakanyang na pinangunahan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr.

Ang desisyon sa usaping ito ay ipinalabas noong Marso 31, 2011.

“This decision reflects this Administration’s commitment to hold those responsible for the hostage-taking incident accountable. Those of us who serve government must be cognizant of the fact that people are affected by our failure to fulfill our responsibilities. In this case, lives were not only affected, they were lost,” ayon kay Ochoa.

Nakasaad sa 15-pahinang desisyon, nakita ng Palasyo ang hindi makatarungang pagkakabimbin sa resolusyon ng motion for reconsideration na inihain ni Mendoza kaugnay sa dismissal sa kanyang police service, na aniya’y malinaw na pagbalewala na ipatupad niya ang kanyang tungkulin bilang isang opisyal ng pamahalaan.

Ayon pa kay Ochoa, ang ginawa ni Gonzales ay malinaw na pagbasura at pagbalewala sa Rules and Procedure ng Ombudsman dahil ang isang mosyon ay kinakailangang aksyunan sa loob ng limang araw mula sa araw na isinumite ito sa kanilang tanggapan.

Bukod dito, may malinaw at matibay na ebidensiya pa rin laban kay Gonzales sa ginawa nitong gross misconduct dahil sa pagpapakita ng kawalan ng interes na upuan ang administrative case na isinampa ni Mendoza na noong panahon na iyon ay may nakabimbing  imbestigasyon sa Philippine National Police –Internal Affairs Service.

Alinsunod naman sa Saligang Batas at Republic Act No. 6670 o Ombudsman Act of 1989, nakasaad dito na may kapangyarihan na disiplinahin si Gonzales  “even to the extent of meting out the supreme administrative penalty of dismissal.” Kris Jose

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply