DFA sa mga Pinoy: Wag maging drug mule

“KAMATAYAN ang naghihintay sa inyo.”

Ito ang ibinabalala Biyernes, Abril 8, ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipinong nais mangibang-bansa.

Payo pa ng kagawaran, iwasang tumanggap ng anumang pakete o bagahe na naglalaman ng iligal na droga.

Sa isang patalastas, sinabi ng kagawaran na malupit na kaparusahan, kabilang na ang kamatayan, ang naghihintay sa mga Pilipinong mahuhuliahan ng illegal drugs sa mga bansa gaya ng China at mga Muslim country.

Muling ibinaba ng kagawaran ang babala kasunod na rin ng  pagkakaaresto sa isang Filipina sa Adi Sumarmo Airport sa Solo, Central Java, Indonesia.

Inaresto ang hindi pinangalanang overseas Filipino worker (OFW) noong Abril 3 ng mga tauhan ng Indonesian Customs at Excise Office matapos na makuha sa kanyang pag-iingat ang mahigit sa isang kilong heroin.

Nanggaling ang OFW sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Batay sa inisyal na pagtatanong sa nasabing OFW, pinapunta ito sa Indonesia ng isang kababayan upang magpuslit ng droga sa nasabing bansa, kapalit ng kabayarang $8,000.

Sinabi pa ni Foreign Affairs Assistant Secretary Ed Malaya na inaayudahan na ng embahada ng Pilipinas sa Jakarta ang nasabing OFW upang matiyak ang karapatan nito.

Ayon pa kay Malaya, may mahigpit na patakaran ang pamahalaan laban sa iligal na droga at regular ang pakikipag-ugnayan nito sa ibang bansa upang mapigil ang operasyon ng sindikato.

Sinabi ng tagapagsalita ng kagawaran na gumagawa na ng mga hakbangin ang pamahalaan upang aktibong malabanan ang usapin kung bakit nagiging biktima ng sindikato sa illegal drugs ang mga Pilipino.

Sa kasalukuyan, umaabot sa 73 Pilipino sa China ang nahatulan na ng parusang kamatayan subalit nabigyan ng palugit na dalawang taong pagkakakulong.

“Ito ay katumbas ng habambuhay na pagkakakulong, kung ihahambing sa batas sa Pilipinas,” dagdag pa ni Malaya. Freddie Cortez

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply