Dinukot na biktima tiniyak na PDEA agents ang mga salarin

DAKONG ika-lima ng hapon noong Abril 1 nang dukutin si Romy Tomaroy, 36, ng mga armadong kalalakihan sa sa Singkamas St., Barangay Tumana, Marikina City.

Nakapagtataka ngunit bago umalis ang mga dumukot ay nag-iwan pa ang mga ito ng cellphone number na 09391106085 sa ina ng biktima nasi Baselisa Tomaroy.

Agad pinosasan at kinaladkad ng mga armadong kalalakihan na pawang mga nakasuot ng puting damit at naka-puruntong shorts.

Isinakay si Romy sa Toyota Revo na kulay blue, na may back-up pang kotseng kulay berde.

Ayon sa biktima, habang nasa loob siya ng sasakyan ay piniringan  siya at makailang beses na hinataw ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Kinuha umano ng mga salarin ang kanyang singsing, relo, kuwintas at pera sa bulsa.

Pinakawalan lamang siya bandang 12:00 hatinggabi sa Aurora Blvd., Cubao, Quezon City.

Sa rekord ng Marikina City Police Station, noong petsa kung kalian nangyari ang insidente ay may natanggap silang komunikasyon mula sa Eastern Police District na may nakasaad na Authority To Operate Control No.411-00011, April 1, 2011 Unit PDEA-MMRO Duration 1800h April1, 2011-1800h April 2, 2011, Atty. Bonifacio Craig Loma-e Team Leader.

Maging ang Toyota Revo Blue ay nakalagay din.

Nakapirma rin sa Authoriy To Operate si PDEA Metro Manila Regional Office Director 111 Wilkins M. Villanueva.

Nitong Huwebes, Abril 7, tumungo ang pamilya Tomaroy sa punong tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Lungsod Quezon upang kilalanin ang mga tauhan nitong nakatalaga sa Metro Manila Regional Office na dumukot kay Romy.

Nagpakilala kasi ang mga armadong lalaki na mga kasapi ng tanggapan ni Regional Director Wilkins M. Villanueva.

Bandang ika-lima ng hapon noong Abril 6 nang makarating ang pamilya Tomaroy na kinabibilangan ng 64-anyos na si Baselisa, ang biktima at ang isa pa nitong kapatid sa tanggapan ng PDEA.

Agad naman silang inasikaso ni Public Information Office chief Derrick Arnold C. Carreon at ni Director Villanueva mismo.

Sa pag-iimbestiga ng dalawang opisyal sa alegasiyon ay hindi napatunayan na mga ahente ng PDEA ang mga dumukot kay Romy.

Ipinangako ni Villanueva sa pamilya Tomaroy na kanyang ipapakita sa Abril 11 ang kanyang mga tauhan para malaman kung sila nga ang dumukot sa biktima.

Nang matapos na ang pag-uusap sa tanggapan ni Villanueva ay nagsimulang  lumabas para umuwi ang pamilya Tomaroy kasama ang sumulat ng artikulong ito.

Laking gulat ng biktimang si Romy nang makita sa paradahan ng mga sasakyan sa loob nang compound ng PDEA ang asul na Toyota Revo na ginamit ng mga kalalakihang dumukot sa kanya.

Binasa niya ang plaka at natiyak niyang ito nga ang sasakyan kung saan siya ay isinakay, binugbog at pinagnakawan.

Agad bumalik ang pamilya Tomaroy sa tanggapan ni Villnueva upang ipagbigay-alam ang kanilang nadiskubre.

Ayon sa mga Tomaroy, ngayon ay nakatitiyak na sila na mga tauhan nga ng PDEA ang dumukot kay Romy. Jun Ferrer

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply