DOH pinag-iingat ang publiko sa sakit na nakukuha sa tag-init

PINAG-IINGAT ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa mga sakit na nakukuha sa panahon ng tag-init.

Kaugnay nito, nagpalabas ng advisory ang DOH at tinukoy ang mga sakit na dapat na iwasan gaya ng food and water-borne diseases tulad ng typhoid, cholera, at hepatitis A, gayundin ang sore eyes, measles o tigdas at mga mosquito-borne diseases tulad ng dengue at malaria.

Nagbabala rin ang DOH sa publiko laban sa food poisoning at diarrhea, heat stroke, gayundin sa sunburn, prickly heat o bungang-araw at iba pang sakit sa balat.

Sinabi ng DOH na ngayong panahon ng summer na mula buwan ng Marso hanggang Mayo ay dapat na maging maingat ang publiko upang hindi magkasakit.

Pinayuhan pa ng DOH ang publiko na dapat na umiwas ang publiko sa pagbibilad sa sikat ng araw upang makaiwas sa mga sakit sa balat.

Babala ng DOH, ang labis na pagkabilad rin sa matinding sikat ng araw ay maaaring maging sanhi ng heat exhaustion o di kaya’y heat stroke na nakamamatay.

Kung nasa beach, pinayuhan rin ng DOH ang publiko na huwag pabayaan ang mga bata na maligo ng walang kasamang matatanda na marunong lumangoy at hindi nakainom upang makaiwas sa disgrasya.

Kung nais naman umanong magpa-tan, dapat munang uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa dehydration.

Sa paghahanda naman ng pagkain, dapat umanong tiyakin na malinis ang kamay, at kung may sakit, ay hindi dapat na magluto ng pagkain para sa iba.

Dapat ding lutuing mabuti ang pagkain at kainin agad habang mainit pa upang matiyak na ligtas ito sa anumang mikrobyo na maaaring maging sanhi ng diarrhea at food poisoning.

Ang mga tirang pagkain ay dapat na itago sa refrigerator upang hindi mapanis at muling iinit bago kainin.

Ang mga prutas ay dapat na hugasang mabuti o balatan bago kainin.

Dapat ding iwasan ang pag-inom ng tubig at iba pang inumin na kaduda-duda ang kalidad at mas makabubuti kung pakukuluan muna ang tubig ng hanggang dalawang minuto at palamigin bago inumin. Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply