DOH sa nagpipenitensiya: Mag-ingat sa heat stroke, tetano

PINAALALAHANAN ng Department of Health (DOH) ang mga debotong nagpepenitensiya ngayong Semana Santa na maaaring mauwi sa heat stroke o tetano ang kanilang ginagawa.

Ipinaliwanag ni Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH na ang mga nagpepenitensiya ay nananatili nang matagal sa ilalim ng sikat ng araw kaya’t malaki ang posibilidad na ma-dehydrate ang mga ito at ma-heat stroke.

Ayon kay Tayag, nagaganap ang heat stroke kapag tumaas ng labis ang temperatura sa katawan ng isang tao. Kung hindi ito agad malulunasan ay maaaring mauwi sa physical at neurological symptoms at kamatayan.

Aniya, ilan sa mga senyales at sintomas ng heat stroke ay hirap sa paghinga, halusinasyon, mabilis na tibok ng pulso, hindi pagpapawis, pagkahilo, pagsusuka, at kumbulsyon.

Hindi lamang naman umano ang mga nagpepenitensiya ang maaaring mabiktima ng heat stroke at dehydration kundi maging ang mga turistang nanonood sa mga ito.

Maliban sa heat stroke ay binalaan din ni Tayag na maaring matetano ang mga nagpapapako sa krus at naghahamps sa katawan na sinugatan ng blade.

Ayon kay Tayag, ang tetanus infection ay maaaring makuha ng mga deboto mula sa gagamiting panghampas at pako lalo na at may kalawang.

Ang tetano ay isang acute disease ng nervous system na sanhi ng bacteria. Maaari itong maging sanhi ng muscle spasms, na minsan ay nauuwi rin sa kamatayan.

Payo pa ni Tayag, kung hindi mapipigilan ang pagpepenitensiya ay dapat na magpaturok muna ang mga ito ng anti-tetanus vaccine ilang linggo bago nila ito isagawa.

Ang mga sugat naman na sanhi ng penitensiya ay dapat ring gamutin ng maayos upang makaiwas sa impeksiyon.

Dapat rin munang kumunsulta sa doktor ang mga deboto upang matiyak na kakayanin ng katawan nito ang naturang aktibidad.

Pinayuhan din na magbaon ng tubig upang makaiwas sa dehydration.

Ang isang tao ay dapat aniyang uminom ng mula 10 hanggang 13 baso ng tubig kada araw, lalo na kung matagal itong magbibilad sa sikat ng araw. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply