Doktora nagoyo ng empleyado raw ng Customs

NANLULUMONG dumulog sa Manila Police District ang isang doktora matapos itong magoyo ng tatlong kalalakihan na nagpanggap na empleyado ng Bureau of Customs (BOC) Sabado ng umaga, Abril 16, sa Intramuros, Maynila.

Si Dra. Ma. Asuncion Manalastas, 50, ng Asian and Makati Medical at residente ng 168 Malvar st., Ayala Alabang ay personal na nagtungo sa MPD-General Assignment Section (MPD-GAS) upang ireklamo ang umanoy nagpakilalang mga empleyado ng BOC na sina Daniel Ramos,George Acosta at isang nakilala lamang sa pangalang Danny.

Ayon kay PO3 Arvin Calob, dakong alas-8:30 ng umaga ng makipagkita ang biktima sa mga suspek sa harapan ng Manila Cathedral Church sa Intramuros, Maynila.

Nagbayaran umano ang mga ito kung saan nagbigay ng paunang bayad na P200,000 cash at tseke na halagang P38,000 si Manalastas sa mga suspek.

Naghintay umano ang biktima sa lugar habang ang suspek ay nagpaalam na kunin ang napag-usapang mga unit tulad ng iPod, Sony TV at iba pa subalit ilang oras nang naghihintay ang biktima pero hindi na bumalik pa ang mga suspek.

Bunsod nito, agad na dumulog ang biktima sa MPD headquarters upang ireport ang pangyayari.

Sumunod namang nagtungo ang biktima sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) upang hilingin na ma-trace ang mga suspek.

Aalamin din kung totoong mga empleyado ang mga ito sa BOC.

Ang biktima ay ipinakilala umano ng isang kaibigan sa mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply