Driver wanted sa pangha-hijack

PINAGHAHANAP ng awtoridad ang isang driver at ang dalawang hindi pa nakikilalang kasama nito matapos tangayin ng mga ito ang minamanehong van ng una na may kargang mga softdrinks sa Valenzuela City, Huwebes ng madaling araw, Abril 28.

Nakilala ang suspek na si Mark Anthony De Lumen, drayber, nasa hustong gulang at residente ng Susano rd., Caloocan City.

Sa pahayag ng mga pahinanteng sina Rodolfo Genito at Rene Boy Menendez, dakong ika-2 ng madaling araw, umalis sila sa kanilang bodega sa Sucat, Parañaque sakay ng Isuzu closed van (XLB-895) na minamaneho ni De Lumen na naglalaman ng mga softdrinks ng Pepsi Cola na nagkakahalaga ng P130,000.

Idedeliver sana ang mga soft drinks sa Cainta, Rizal subalit habang biyahe ay nagsabi si De Lumen na dadaanan nila ang dalawang kaibigan nito sa Kalayaan, Quezon City.

Pagsapit sa nasabing lugar ay pinarahan ni De Lumen ang dalawang lalaki subalit laking gulat ng dalawang pahinante nang tutukan sila ng mga baril at utusang umupo sa likuran ng van.

Habang patuloy na tumatakbo ang sasakyan ay inutusan ng mga suspek na huwag mag-ingay ang dalawa subalit pagsapit sa Ugong, Valenzuela City ay nagawang makatalon at makatakas ni Genito.

Mabilis na humingi ng tulong si Genito sa mga tauhan ng North Luzon Expressway at nang balikan ang van ay wala na ang mga suspek at iniwan na lang si Menendez.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply