Drug-resistant na sakit dumarami

NAGBABALA ang World Health Organization (WHO) kaugnay sa pagdami ng mga sakit na drug-resistant o hindi na tinatablan ng mga gamot.

Ayon sa WHO, hindi naman na bago ang naturang problema ngunit nakakaalarma pa rin ito dahil lalong dumarami ang mga naturang sakit at nagiging mas mapanganib.

Sinabi ng WHO na kinakailangang aksiyonan at solusyonan ito kaagad upang maiwasan ang posibleng pagbalik ng mundo sa ‘pre-antibiotic era.’

Kasunod nito, anang WHO, sa nalalapit na pagdiriwang ng World Health Day 2011 sa Abril 7, ay bibigyan nila ng atensiyon ang agarang pangangailangan na sugpuin ang drug resistance sa pamamagitan nang pagpapalakas ng mga pamamaraan para labanan ang naturang banta.

Ilulunsad rin umano ng WHO ang kanilang ‘six-point policy package’ upang solusyonan ang pagkalat ng mga antimicrobial resistance.

Umapela rin ang WHO sa mga stakeholders na magtulungan upang masugpo ang drug resistance na isang global problem.

Paliwanag ng WHO, ang antimicrobial resistance o drug resistance ay ang kakayahan ng mga microorganism tulad ng bacteria, viruses at mga parasite na pigilan ang antimicrobial tulad ng antibiotics, antivirals at antimalarials na labanan ito.

Bilang resulta, nawawalan na ng epekto ang mga standard treatments sa mga sakit, lumalala ang impeksiyon at mabilis itong makakahawa sa iba.

Nabatid na ang drug resistance ay resulta umano ng maling paggamit sa antimicrobials, na nagiging dahilan nang pagdami ng bilang ng mga resistant organisms.

“The threat from drug resistance is increasing. There is a need for urgent action; everyone can play a part.  The complex problem of drug resistance requires collective action,” anang WHO.

Samantala, aminado si Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC) ng Department of Health (DOH), na nakakabahala ang naturang ulat ng WHO dahil wala namang kakayahan ang Pilipinas na dumiskubre ng mga panibagong antibiotics na mas higit na epektibong panlaban sa sakit.

“Mino-monitor lang natin yong mga gamot sa International market, hindi natin kaya sa Pilipinas na lumikha ng mga antibiotics,” ayon kay Tayag.

Sinabi pa ni Tayag na ang mga sakit na matagal na ginagamot sa mga hospital tulad ng pneumonia, Tuberculosis, at influenza, ay madaling makahawa kung hindi mabibigyan ng tamang gamot. Kyle Gatus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply