Durugin ang mga sindikato ng droga

MULA sa ulo hanggang paa, pati kaluluwa, dapat durugin ang mga sindikato sa droga.

Gawin ito hindi lang para iligtas ang mga binibitay na Pinoy sa ibang bansa kundi para na rin sa kapakanan ng mahal kong buong Pinas.

Nasa 700 ang napababalitang nakakulong sa iba’t ibang bansa dahil sa droga.

Kamakailan lang ay pinagbibitay sa Tsina ang tatlo sa mga ito: sina Sally Ordinario-Villanueva, Elizabeth Batain at Ramon Credo.

Hindi pa ganap na humuhupa ang apoy ng kaso ng mga ito, meron na namang nahuling Pinoy na may dalang droga sa Indonesia. Baka bitay na naman ang parusa rito.

Ang higit talagang nasa isipan natin, mga Bro, ay ang atin mismong bansa.

Anak ng tokwa, hindi lang yata 10 milyon ang mga biktima ng droga. Kahit saan makakakita ka ng mga user at pusher. Sari-sari na rin ang droga na tinitira ng mga ito.

Ang masama, nasa 70 porsiyento ng lahat ng mga krimen sa bansa ay gawa ng mga biktima ng droga. Rape, pagpatay, pagnanakaw, panununog ng bahay, paglustay sa pondo ng pamahalaan, pagpapabagsak ng negosyo at iba pa.

Itong 10 milyong kinakapitan ng droga, kung gumawa ng krimen, nakupo. Gulo talaga ang mangyayari.

Nakatatakot pa ngang isipin na “paano kung sila na ang magiging mayorya ng ating mga pulitiko?” Isipin pa, pupuwede na silang magpanalo ng mga Pangulo, senador, kongresman, gobernador, mayor at kapitan.

At kung sila ang magpapalakad ng gobyerno, saang ka-shabuhan, ka-heroinan at ka-cocainan tayo pupulutin?

Ang ngipin ng batas laban sa mga ito, nasaan? Paano kaya natin masusugpo ang droga, mga Bro?

Mayroon ngang mga kulungan ng mga sangkot sa droga sa mga kampo ng pulis. Pero alam ba ninyong marami sa mga ito ang puno sa gabi pero sa araw ay wala nang laman ang mga ito?

Sabi ng ating uzi, may sina-salvage at may kinakasuhan naman. Pero karamihan sa mga ito ang pinipitsa, pinepera.

Anak ng tokwa, kailangan talagang durugin ang droga mula sa mga opisina ng pamahalaan. Saka isabay ang mga druglord, recruiter ng drug couriers, pusher at user.

Kailangang gawin na ang lahat ng ito bago pa maghari ang mga ama at anak ng droga sa Pinas. Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply