E-Car sagot sa fuel crisis; hidden agenda sa plunder raps ni Rabusa

LUGMOK ang transport sector ng bansa, maging ang mga pribadong motorista, sa walang tigil na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo bunsod umano sa nagaganap na political crisis sa ilang bansa sa Middle East na pawang pangunahing supplier natin ng langis.

At siyempre, habang may krisis-pulitika sa Middle East ay patuloy rin na napaglalaruan ang ating ekonomiya ng mga malalaking kumpanya ng petrolyo na narito sa atin. Aminin man nila o hindi, “kartel” ang istilo nila – madalian at sabay-sabay sa pagtataas ng presyo ng gasolina at diesel pero ubod naman ng bagal sa pagbaba lalo na’t nagiging mura ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Sa Mandaluyong City, pinasimulan ni Mayor Benhur Abalos kamakailan ang electric tricycle o E-Trike sa kanilang lungsod, na ayon sa kanya, ay pinakamainam na tugon sa problema ngayon sa gasolina at sa pag-aalaga sa ating kalikasan.

Nauna na ring nagkaroon ng ganitong proyekto sa Global City sa Taguig kung saan ang mga E-trikes ay maaaring makapagsakay ng lima hanggang anim na pasahero.

Kung tutuusin, ganap na mas mababa ang presyo ng e-trikes kumpara sa standard na tricycle. Matipid din sa kunsumo sa kuryente habang isinasa-ilalim sa pag-charge ang baterya nito.

Kaya’t kung puwede ang E-Trikes sa Metro Manila, bakit hindi rin natin bigyan ng pagkakataon ang E-Car o kotseng de kuryente dito sa atin?

Bakit hindi natin himukin na makapasok ang maraming mga kumpanyang gumagawa ng E-cars sa buong mundo?

Sa bansang South Korea, may ilang kumpanya na ang nagpahayag ng kanilang interes na makapagtayo ng mga planta nila dito sa Pilipinas.

Isa na rito ay ang Wooshin EMC Korea, na pinamumunuan ng kaibigan kong si Kim Dong-ho. Aprubado sa kanila ang kontratang “joint venture” sa ating gobyerno.

Malaki ang diperensya ng presyo ng E-Car kumpara sa mga modelo ng mga sasakyan ngayon sa atin. Mahigit-kumulang sa P400,000 ang halaga ng isang E-Car at maaaring bumaba pa ang presyo depende sa modelo nito. Hindi katulad ng mga magagarang sasakyan de gasoline at diesel ngayon na nagkakahalaga mula P700,000 hanggang P2.4 milyon.

Ang e-car models ng Wooshin EMC Korea ay may maximum speed na 60 km/hr at maaaring tumakbo ng may layong 70 hanggang 80 kilometro sa 10-minutong pag-charge ng baterya nito na isang lithnium battery pack (76.8V). Meron ding onboard charger (220V) ang E-cars ng Wooshin kung kaya’t kahit saang bahay o gusali  ay pupuwede kang makapag-charge habang nakaparada ito.

Tanging air-conditioner lamang ang wala sa disenyo ng E-car ng Wooshin dahil sadyang malakas ang aircon sa kunsumo ng kuryente. Nguni’t hindi naman praktikal ang aircon sa isang isang lugar na ang mga dumadaloy na sasakyan ay walang dulot na pulosyon o “environment friendly” tulad ng e-trikes at e-cars.

Sa ganang akin, ito na lamang marahil ang nalalabing solusyon upang matugunan natin ang patuloy na problema sa presyo ng langis. Ito na rin siguro ang makapagpupuwersa sa mga ganid na kumpanya ng langis dito sa atin na babaan nila ang presyo ng kanilang mga produktong petrolyo.

Sana’y mapag-isipan ito ng mga advisers ni Pangulong Aquino!

* * * * * * * *

PORMAL nang nagsampa kahapon sa Department of Justice ng kasong plunder itong si retired AFP budget officer Lt. Col. George Rabusa laban sa tatlong dating chief of staff ng AFP na sina retired Generals Diomedio Villanueva, Roy Cimatu at Efren Abu.

Kasama rin sa mga sinampahan ng plunder ni Rabusa ay ang mga dating comptrollers ng AFP na sina retired Lt. Gen. Jacinto Ligot at Maj. Gen. Carlos Garcia, sampung senior officials at dalawang auditor ng Commission on Audit na ayon kay Rabusa ay nagkasabwatan sa pagdugas ng pera ng AFP.

Pero hindi si Rabusa ang agrrieved party sa kasong ito kundi ang AFP mismo.

Tandaan n’yo na mismong si Rabusa ay umamin sa Senate hearing noon na maging siya ay nagbulsa ng maraming pera (P200 milyon?) noong kasapakat pa siya sa anomalyang ito.

Bakit hindi rin siya kasuhan ng DoJ o mismo ng AFP? May immunity ba sa kasong ito si Rabusa komo’t naging “whistleblower” siya?

Hindi magandang senyales ito sa mga tauhan ng gobyerno. Magnakaw ka na hangga’t gusto at pagkatapos ay maging “whistleblower” ka rin para makalusot ka!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply