Ford Everest tinangay sa Mandaluyong

TINANGAY ng apat na armadong kalalakihan ang isang bagong Ford Everest na pag-aari ng isang fire volunteer Biyernes ng umaga, Abril 8, sa Mandaluyong City.

Dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong Philippine National Police (PNP) si Gaudencio Jose Palomo, 36 anyos, may asawa, may ari ng nasabing sasakyan at residente ng 1647 Zamora St., Paco, Maynila.

Sa imbestigasyon na isinagawa ni PO3 Danilo Patoc, naganap ang insidente dakong 5:10 ng umaga sa Aglipay St., ng nasabing lungsod.

Ayon sa biktima, kumain lamang siya sa isang tindahan sa Aglipay St. ngunit pagbalik nito sa kanyang Ford Everest (PAY-818) ay bigla na lamang siyang nilapitan ng apat na lalaki na pawang nakatakip ng panyo ang mga mukha.

Tinutukan umano ng baril ng mga suspek ang biktima at saka sapilitang kinuha ang susi ng kaniyang sasakyan, saka mabilis na tumakas.

Bukod sa sasakyan, sinasabing natangay din ng mga suspek ang laptop, dalawang cell phone, wallet na may lamang P18,000 cash, credit card at iba pang importanteng kagamitan ng biktima, na nasa loob ng behikulo.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek, para sa agarang ikadarakip ng mga ito at mabawi ang tinangay na sasakyan at mga gamit ng biktima. Jhie Convocar

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply