Freeze order sa bank account ng recruitment agency iniutos ng CA

NAGPALABAS na ng freeze order ang Court of Appeals (CA)  laban sa 41 bank accounts  sa iba’t ibang bangko na pinaniniwalaang ginagamit ng illegal recruitment agency at ilang indibidwal  na nagre-recruit  at nagpapadala ng mga  manggagawang Pilipino sa ibayong dagat  sa pamamagitan ng “study and work program.”

Ang hakbang ng CA ay tugon sa kahilingan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pigilin ang assets and deposits ng International Students Advisors 4U, Inc. (ISA 4U), Faces and Shots Video Editing, Inc., Philip Leonard, Bernalyn Nacionales, Ronald Allan Quismorio, Edgar Evasco, Michael Evasco, Joy Nacionales, Mirasol Nacionales at St. George’s Recruitment International Inc.

Nakasaad sa  pitong-pahinang resolution ni Associate Justice Japar Dimaampao ng CA  First Division na kinatigan nina Associate Justice Andres Reyes, Jr. at Associate Justice Jane Aurora Lantion, na magkakabisa ang freeze order sa loob ng 20 araw.

Bunsod nito ay hindi na maaaring galawin ng ISA 4U ang kanilang deposito sa Metropolitan Bank and Trust Co. (Metrobank), Hong Kong and Shanghai Banking Corp. (HSBC), Banco De Oro (BDO), Philippine Savings Bank (PSB), Citibank, Union Bank at iba pang banking institutions.

“We find and so hold that the obtaining facts and circumstances tellingly demonstrate a well-founded belief that the bank accounts in the names of respondents are related to or involved in an unlawful activity or money laundering offense”, ayon sa resolution.

Nilinaw ng appellate court, na ang pagpapalabas ng freeze order sa 41 bank account ng mga respondent at kinakailangan upang mapigilan ang pagwiwidro o paglilipat ng salapi ng mga naturang indibidwal sa mga nabanggit na banking institutions.

Inatasan din ng CA ang mga nasabing bangko na isumite  sa  appellate court at maging sa AMLC sa loob ng 24 oras matapos matanggap  ang opisyal na kopya ng kautusan na naka-detalye  ang lahat ng impormasyon hinggil sa accounts ng mga respondent.

Sa record ng kaso, noong September 13, 2010, dumulog sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang mga complainant kaugnay sa illegal recruitment.

Ang recruitment agency  ay isang domestic corporation  na sangkot sa negosyo ng pagbibigay ng advisory, marketing consultancy services of training courses, college courses and university courses ng mga dayuhan.

Nakapatalastas din sa kanilang website na kaya rin nilang magpadala ng mga Filipino nurse at health professionals sa United Kingdom sa pamamagitan ng study and work program.

Ayon sa complaint,  pinagbabayad ang mga recruit sa isinagawang video interview, tuition fee enrollment, visa and lodging at bayad sa eroplano kasama na rin ang processing fees sa pag-aaral at pagtratrabaho.

Sa kabila ng kanilang pagbabayad, nakasulat din sa complaint na bigo ang ISA 4U at kanilang mga opisyal na sila ay ipadala sa ibang bansa para makapagtrabaho. Teresa Tavares

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply