‘Malampaya fund ‘wag gamitin sa fuel subsidy’

KWESTIYUNABLE kay Senate President Juan Ponce Enrile ang pondong pinanggalingan ng ibinibigay na fuel subsidy ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa transport at fishermen sector sa harap ng lumolobong presyo ng langis.

Sa kanyang pagtataya, sinabi ni Enrile na hindi puwedeng gamitin ng administrasyon ang pondong nakokolekta ng pamahalaan sa Malampaya gas share dahil may probisyon sa batas na lumikha nito na dapat ilagay ito sa isang trust fund.

“They can use that fund for whatever purpose but I would suggest that they should carefully look at it because that must be covered by an enactment of Congress authorizing the subsidy,” ayon kay Enrile.

Alinsunod sa probisyon ng Saligang Batas, ayon kay Enrile, walang pera sa National Treasury na pwedeng gamitin ng gobyerno nang walang kaukulang batas na nagsasabi kung saan gagamitin ito.

Halimbawa umano nito ay ang kinita sa Malampaya.

Alinsunod umano sa batas na lumikha sa Malampaya, gagamitin ang trust fund kung saan ilalagak ang kinita sa paghahanap ng ibang gas deposits sa bansa.

Ayon pa kay Enrile,  dapat suriing mabuti ng administrasyon ang bagay na ito upang hindi magkaroon ng isyung konstitusyunal.

“I hope they will look into it carefully so that they’ll not run into any Constitutional issue,” patapos ni Enrile. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply