Gatas mula China negatibo sa nitrite — FDA

TINIYAK ng pamunuan ng Food and Drugs Administration (FDA) na walang dapat ipangamba ang publiko sa mga gatas na gawa sa China, na sinasabing kontaminado ng nitrite, napaulat na naging sanhi ng pagkamatay ng tatlong katao sa naturang bansa noong nakaraang linggo.

Ayon kay FDA Director Suzette Lazo, mahigpit ang monitoring nila sa milk products na pumapasok sa Pilipinas.

Aniya, batay sa kanilang record, mula 2008 hanggang sa ngayon ay wala pang imported na gatas na gawa sa China ang inangkat ng bansa.

“Based on our initial checking of 2008, since 2008 data, we have no registered product of milk from China. This is the effect of what happened before with the melamine issue,” ani Lazo.

Noong 2008, nagpatupad ng ban ang pamahalaan laban sa mga gatas na gawa sa China matapos na pumutok ang melamine issue.

Matatandaang maraming sanggol sa naturang bansa ang namatay at nagkasakit matapos makainom ng gatas na kontaminado ng melamine, na karaniwang ginagamit sa mga plastic, ngunit kapag inihalo sa gatas ay tumataas umano ang protein content nito.

Una na ring tiniyak ng Chinese authorities na ang nitrite deaths sa kanilang bansa ay isolated incident lamang at iniimbestigahan na ng kanilang pamahalaan kasabay nang masusing pag-i-inspeksiyon sa lahat ng dairy products sa kanilang bansa.

Napaulat noong Biyernes na tatlong bata ang namatay habang 35 katao pa ang nagkasakit matapos makainom ng nitrite-tainted milk sa Gansu, China. Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply