Gemma Lumantas: Nurse-enterpreneur

SINONG makapagsasabi na ang isang nurse na pag-aalaga sa mga pasyente ang naging pangunahing obligasyon ay malilinya sa cake business?

Mula sa starting loan na P50,000 na ipinagkatiwala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), naging hakbang sa tagumpay ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) na nagtrabaho bilang isang nurse sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Sa kaniyang sinimulang cake business, kalakip ang sipag, tiyaga at pagtitiwala sa magagawa ng dakilang Lumikha, pumatok sa panlasa ng mga Bisaya sa Oroquieta City, Misamis Oriental ang dati’y munting negosyo ni Gemma Tumandas Lumantas na ngayo’y hindi na mapigilan ang pag-asenso.

Sa pananaliksik ng Department of Labor and Employment (Dole), si Lumantas ay nagtrabaho ng siyam na taon bilang isang staff nurse at reliever supervisor sa isang maternity hospital sa Taif, Saudi Arabia.

Naging inspirasyon ni Gemma ang kaniyang naging kaibigan sa Saudi na mahilig mag-bake ng cakes at ibinahagi sa kaniya ang ilang recipes na naging susi sa kaniyang pag-asenso.

Dahil hindi na mapigilan ang pagsulong ng kaniyang cake business, ang Valerie’s Cake Decors and Balloons Center sa Misamis Oriental, umaabot na ang halaga nito ngayon sa isang milyong piso.  Ipinangalan niya ito sa kaniyang anak na babae.

“I am very grateful to OWWA for the assistance. Without it, I would not have succeeded in establishing my cake-making business,” pahayag ni Gemma.

Ayon kay Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, ang matagumpay na kwento ng buhay-negosyo ni Gemma Lumantas ay isang matagumpay na halimbawa ng reintegration assistance program ng gobyerno para sa OFWs na nais magsimula ng maliit na negosyo, para hindi na makipagsapalaran sa ibang bansa at manatili na lamang sa Pilipinas kapiling ang mga mahal sa buhay.

Iginiit pa ni Baldoz ang kahalagahan ng livelihood program ng OWWA lalo ngayong naghahanda ito na maayudahan ang OFWs na inilikas  mula sa Libya dahil sa tumitinding gulo sa pulitika sa naturang bansa.

“There is always hope and other means of earning income aside from overseas employment,” ani Baldoz, kasabay ang pahayag na dapat maging responsable ang bawat OFW na mabibigyan ng konting kabuhayan sa pamamagitan ng loans at bayaran ito sa takdang panahon kapag umunlad ang sinimulang negosyo.

“The training and financial assistance provided by the OWWA to you will be the key that would uplift your families’ plight and facilitate your productive reintegration into our social and economic mainstream,”  diin pa ng kalihim.

Ayon sa Dole,  nagsimula si Gemma sa inisyal low-interest at easy-to-pay loan na P50, 000 mula sa National Livelihood Support Fund (NLSF) ng OWWA limang taon na ang nakalilipas nang dumating siya sa bansa mula sa Saudi Arabia. Ginamit niya ang  OWWA loan para sa pagpapalawak ng kaniyang maliit na negosyo.  Bumili siya ng karagdagang baking equipment at ipinaayos ang maliit na espasyo sa kaniyang pwesto.

Bukod sa financial assistance,  nagbibigay din ang OWWA ng mga oportunidad sa pagsasanay o trainings, partikular sa food processing kung saan sumailalim siya sa OWWA regional office sa  Region 10 (Northern Mindanao) noong Hunyo 28, 2007.

Walang duda na naging kapaki-pakinabang ang kaniyang naging training at nakadagdag ito sa kaniyang naunang ‘self-learning,’ at ang mga natutunan niya mula sa Internet surfing, at ang entrepreneurial training na ibinigay ng  Petal Foundation.

Dahil pangarap pa ni Gemma na palawakin ang kaniyang negosyo, binayaran niya ang kaniyang initial loan.  Muli siyang pinagkatiwalaan ng OWWA sa isa pang loan na nagkakahalaga ng P100,000.  Ginamit niya ito sa pagbili ng isang service multi-cab, at nagdagdag pa ng ilang produkto sa kaniyang cake making business.  Kabilang dito ang   decors, balloons, gum paste flowerettes-making, styrofoam décor production, for-rent-mascot para sa birthday parties at catering. Nagbukas pa siya ng isang outlet store sa mismong bayan ng Oroqueta at naglagay ng flowerette display booths sa grocery stores.

Hindi naman nakapagtataka na napalawak pa ni Gemma ang kaniyang produksiyon sa katabing gusali, sa likod ng kaniyang bahay.  Dahil dito, nakapagbigay din ito ng kabuhayan sa komunidad; gaya ng karagdagang  bakers, storekeepers, styrofoam cutters, flowerette-makers, drivers at part-time workers.  Kasabay nito, nakapagde-develop din siya ng mga manggagawa na may potensiyal na sumunod sa kaniyang yapak sa pamamagitan ng pagbabahagi din ng kaniyang kaalaman sa  ‘basic baking course.’

Sa tagumpay ng kaniyang negosyo, nakabili na siya ng 7-hektaryang lupain ng rubber tree at plantasyon ng mangga sa  Zamboanga Sibugay.

Si Gemma ay isang masiglang kaanib ng Iglesia ni Cristo at malayang nakatutupad ng kaniyang tungkulin sa pananalapi ng INC.

Sa ngayon, pangarap pa ni Gemma ang P3-million expansion ng kaniyang cake business sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong cake décor at maayos na reception hall.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply