Gov’t binalaan ni Sotto sa pagtulong sa pamilya ng 3 binitay sa China

BINALAAN ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang pamahalaan sa pagkakaloob ng tulong sa pamilya ng 3 Overseas Filipino Workers (OFW)  na binitay kamakailan sa China.

Ayon kay Sotto, malaking insulto sa mga lehitimong OFWs ang nasabing hakbang kaya dapat na pag-isipang mabuti ang pagbibigay ng tulong sa pamilya at anak nina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain dahil tiyak na marami ang magagalit sa kanila.

“Anong mensahe ang ibibigay nila sa taumbayan, yung tulungan ang drug trafficker? Mag-isip isip naman sila,”giit ni Sotto.

Matatandaan na isa sa bilin ni Sally bago siya binitay sa China ay sana ay magpatuloy ng pag-aaral ang kanyang anak upang  magkaroon ito ng maayos na hanapbuhay paglaki at hindi matulad sa kanya.

Ilan sa  tumulong sa pamilya Ordinario sa Batasan, Quezon City ay ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan isinailalim  sa stress debriefing  ang apat na miyembro ng pamilya na tumungo sa China bago at pagkatapos binitay si Sally.

“Eh marami ding pamilya ng OFWs ang nagkaka-problema, bakit hindi iyon ang puntahan ng DSWD?” katuwiran ni Sotto.

Binigyang-diin ni Sotto na hindi dapat tinatawag na OFW ang tatlong binitay sa China dahil hindi naman sila tumungo doon para magtrabaho ng legal kundi para magdala ng ipinagbabawal na droga.

Nanindigan na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hindi nila mabibigyan ng financial assistance ang pamilya ng tatlong Filipino na binitay sa China dahil hindi naman sila documented na manggagawa. Vicky Cervales

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply