Graphic warning sa yosi iginiit ng ex-health secretaries

PERSONAL na dumulog sa Supreme Court (SC) sina dating Health secretaries Esperanza Cabral at Jaime Galvez Tan para maghain ng mosyon at isulong ang ligalidad ng kautusan ng Department of Health (DOH) hinggil sa paglalagay ng graphic warnings sa pakete ng sigarilyo.

Sa 39 pahinang petisyon, hiniling nina Health Secretary Francisco Ona, Cabral, Tan at mga dati ring kalihim ng DOH na sina Dr. Francisco Duque, Dr. Alberto Romualdez at Dr. Alfredo Bengzon para payagan silang mag-intervene sa kasong inihain ng isang kumpanya ng sigarilyo laban sa DOH.

May kinalaman iyon sa kinukwestiyong administrative Order number 13 o Graphic Health Information order na ipinalabas ni Cabral noong 2010.

Sa nasabing kautusan, pinalalagyan ng mga litrato na nagpapakita ng masasamang epekto sa kalusugan ng sigarilyo at pinapatigil ang mga di makatotohanang salita tungkol sa sigarilyo ang mga pakete nito.

Umaasa ang DOH at ang mga dati nitong kalihim na papaburan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon at ang kinukwestiyong kautusan para mailigtas ang mga kabataan mula sa maraming sakit na maaring makuha sa paninigarilyo gaya ng kanser at mga sakit sa baga.

Sa pag-aaral ng DOH noong 2007, isa sa bawat limang kabataan na may edad 18 pababa ang naninigarilyo. Teresa Tavares

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply