Huwag maging kuneho, RH Bill pag-aralan

ANG kinagisnan ng marami na turo sa simbahan tuwing nagsisimba sila, eh, “Go out and multiply.” Kaya naman, nang magbibinata at magdadalaga na sila, nagsimula na silang maghanap
ng ka-”Peace be with you!” nila.

Kasabay nito ang mga ngiting kambing at malalagkit na pagtitinginan. At tuwing may mga Simbang Gabi at Semana Santa, ang mga ngitian at titigan ay nauuwi sa mga holding hands.

Pagdating ng mga kapistahan, lalo na sa buwan ng Pebrero, doon na nagsisimula ang pagtupad ng tungkulin nilang magparami, mag-multiply.

Pero habang lumalakad ang panahon, dahil sa pagsunod sa doktrinang pang-kuneho, este, para sa mga nagmamahalan, nagsimula nang hindi magkasya ang mga lupa para sa pagkain at iba pa.

Eh sumabay pa ang pagtatambak sa mga palayan, maisan, kamotehan at iba pa para naman magkaroon ng industriya o mga pabrika na gawaan ng iba pang mga pangangailangan ng tao.

Iba pa ang mga kinakailangan ng mga industriya gaya ng taniman ng mga biofuel, gawaan ng mga abono, pondo ng tubig, gawaan ng kuryente at marami pang iba.

Ganundin na kailangan ng espasyo para sa mga tahanan, eskuwelahan, kalsada, palengke at maraming iba pa.

Sa mabilis na pagdami ng mga tao, obligadong idoble o itriple ang lahat ng nasabing mga produkto at serbisyo na kailangan ng mga ito. Ang problema, nananatili ang lupain ng Pilipinas sa sukat nito at mabilis na nauubos ang yaman nito para  matustusan ang pangangailangan ng mabilis na dumaraming mamamayan.

Dito kitang-kita ang pagkilos hindi na lang ng pamahalaan kundi ng mamamayan. Sa bahagi ng mga magulang at nagnanais na maging magulang, dapat na matuto silang kumontrol sa kani-kanilang pamilya at hindi basta magparami nang magparami.

Marahil ay makatutulong sa kanila ang binubuong batas na bininyagang Reproductive Health. Sa RH Bill matutunan ang mga bentahe ng pagkakaroon ng katamtamang dami ng anak at nababatay sa kakayahan ng mga magulang na buhayin sila at bigyan ng magandang kinabukasan.

Hindi naman kasi pupuwedeng iasa sa gobyerno ang obligasyon sa mga anak at sarili.

At lalong hindi maaasahan na tumulong sa pagpapalaki at paghuhubog ng buong pamilya ang mga nagtuturo lamang ng “Go out and multiply.”

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply