Jason Ivler inilipat ng kulungan

SA BISA ng kautusan na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) Branch 219 Judge Bayani Vargas, may bago ng kulungan si road rage suspect Jason Ivler.

Mula sa Quezon City Jail (QCJ), dinala si Ivler sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig matapos matanggap ng QCJ ang kautusan ni Judge Vargas.

Nabatid pa mula kay Jail Officer 1 Frietze Nono, civil relations officer ng QCJ, bandang 3:30 Martes ng hapon, Abril 19, ay pormal nang inihatid si Ivler patungo sa Camp Bagong Diwa.

Isinakay si Ivler sa prison van at bantay sarado ng anim na escorts habang nakasuot ng uniporme ng preso.

Ang paglilipat kay Ivler ay bunga ng kautusan ni Judge Vargas na inudyukan naman ng mosyon ng prosekusyon at ng warden ng QCJ na si Supt. Joseph Vela.

Ipinaliwanag ni Nono na kaya hiniling ng warden na mailipat si Ivler ay bunsod na rin ng kontrobersiyal na usapin na nakatatanggap ang akusado ng espesyal na pagtrato sa kulungan na pinatunayan ng lumabas na mga larawan na nakikipag-kasiyahan at inuman ang anak ni Marlene Aguilar.

Sa ganitong paraan umano ay hindi maaapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa usapin.

Nahaharap sa kasong murder si Ivler na siyang itinuturong bumaril kay Renato Ebarle, Jr., anak ng isang dating opisyal ng Malakanyang.

Habang umuusad ang kaso sa korte, pumutok ang balitang may mga larawang naka-post sa social networking site na Facebook, gayundin sa mga video sa YouTube, na diumano’y nagpapakita na may espesyal na pagtrato kay Ivler sa loob ng QCJ.

Wala naman ang nanay ni Ivler na si Marlene nang dalhin ito sa bago niyang kulungan. Robert C. Ticzon

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply