Job order sa UK peke—DFA

NAGBABALA ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na huwag paniwalaan ang job order sa bansang United Kingdom na ipinakakalat ng isang recruitment agency doon.

Sa isang kalatas, hinikayat ng kagawaran ang mga naghahanap ng trabaho sa Englatera na magpunta sa tanggapan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang beripikahin kung ang isang trabaho sa London ay may pahintulot ng pamahalaan.

Ginawa ng DFA ang abiso kasunod ng tinanggap na ulat mula sa embahada sa London hinggil sa paggamit ng JP Recruitment Agency ng pekeng job order verification stamps na may lagda pa umano ng opisyal ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa UK.

Batay sa nakalap na impormasyon ng embahada, nagharap ng pekeng manpower request at job order ang JP Recruitment na may tanggapan sa 290 Queens Road, Bootle, Liverpool, UK sa isang hindi pinangalang recruitment agency sa Maynila upang mangalap ng mga Pilipinong manggagawa.

Sa pagsisiyasat ng Remate online, napag-alaman na sa website ng JP Recruitment Agency ay naghahanap ito ng IPhone developers, PHP Web Developers, Copywriters at online markerters na ang sahod ay UK 45,000, gayunpaman, hindi nabanggit kung dayuhan o lokal na manggagawa ang kailangan.

“The public is advised not to entertain any transactions for recruitment and employment from the said entity which allegedly bear the stamp and signature of POLO without first verifying this with the POLO-UK Office at the Embassy,” pahayag pa ng DFA.

Hinikayat din ng kagawaran ang publiko na beripikahin muna sa POEA at sa POLO-UK at embahada ang anumang iniaalok na trabaho sa Inglatera. Freddie Cortez

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply