Jueteng ni Tony Santos buong Metro Manila na!

SINO ngayon ang maniniwala sa mga ipinagsasabi nitong sina Department of the Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo at PNP chief General Raul Bacalzo tungkol sa “one-strike policy” nila kontra sa pesteng jueteng?

Ngayon ay kitang-kita na kung ano ang tunay na kulay nina Bacalzo at Robredo pagdating sa usapin ng jueteng. Lumalabas na totoong “anak ng jueteng” ang dalawang ito.

Kung dati ay sa lalawigan lang – kagaya ng Kabikulan at Katagalugan – naglipana ang sugal na ito, ngayon ay nasa kalunsuran na at dito pa sa Metro Manila.

Ang itinuturong bangka ng jueteng sa Metro Manila ay walang iba kundi si Tony “Bolok” Santos, ang jueteng kingpin ng Marikina.

Kung paano nakopo ni Bolok ang jueteng sa Metro Manila ay tanging sina Robredo at Bacalzo lang ang makapagpapaliwanag kay Pangulong Noy Aquino.

Magkano ang isinuhol ni Bolok sa dalawang naturang opisyal at pumayag sila na magpailalim sa mando ng nasabing gambling lord? Tsk, tsk, tsk, labis pa man din pinagkakatiwalaan ni P-Noy ang dalawang ito!

“One-take” policy na ba ang ipinaiiral ng DILG at PNP kontra jueteng? Pwe!

Aksyon na ni Pangulong Aquino ang kailangan dito.

* * * * * * * *

Unang sinimulan ni Bolok ang kanyang jueteng may ilang buwan na ang nakararaan sa Quezon City kung saan mistulang ginawang “baka” ang kanyang iligal na sugal ng walang kuwentang mayor ng lungsod na si Herbert “”Bistek” Bautista.

Sumunod ay Maynila naman na sinimulan may tatlong buwan na ang nakararaan. Tinatayang umaabot sa P1 milyon kada araw ang kubransang nadudugas sa mga mananaya ng mga kabo-mayor na sina Jun ng Pandacan, Fe ng Sta. Mesa at Jojo ng Tondo.

Hanggang sa naging kagulat-gulat ang mga sumunod na pangyayari dahil ang jueteng ngayon nitong si Bolok ay umiikot na sa buong CAMANAVA area (Caloocan, Valenzuela, Malabon at Navotas), Pasig, Marikina, San Juan at Mandaluyong City.

Suma-tutal, halos buong Metro Manila na ang lawak ng operasyon ng jueteng nitong si Bolok at tinatayang umaabot sa P4 milyon hanggang P5 milyon kada araw ang halaga ng taya o kubransa na ninanakaw nila mula sa mga tangang mananaya.

Sinabi kong ninanakaw dahil walang matuwid na landas sa mundo ng jueteng. Bukod sa nirerebisa ang mga taya at pinipili ang pawang maliliit lang ang halaga, puro pandaraya rin ang ginagawang pagbola dito, kung totoong merong bolahan itong si Bolok.

* * * * * * * *

SA Las Piñas City naman, isang nagngangalang “Brigitte” ang naglatag kamakailan ng santambak na video karera machines at ngayo’y bumibiktima ng daan-daang menor-de-edad sa nasabing lungsod.

Si Brigitte ay kilalang bangka ng pesteng VK sa lalawigan ng Batangas at ngayo’y naisipang mag-expand ng kanyang iligal na negosyo sa buong southern Metro Manila at inuna nga itong Las Piñas City.

Totoo kaya na may basbas daw mula kina Mayor Nene Aguilar at Congressman Mark Villar, anak ni dating senador at talunang presidential candidate Manny Villar, itong si Brigitte dahil isa sa mga kapatid daw ni mayor ang kinuhang padrino at protektor ng naturang gambling queen?

Kung may basbas, tiyak na may kapalit. Ang tanong: Ano naman kaya ang kapalit? Pera o bayong? Kayo na ang sumagot!

* * * * * * * *

Nakipag-uganayan kamakailan sa inyong lingkod itong si Chairman Willy Lising ng Bgy. 309, Zone 30, District 3 ng Maynila upang ipaliwanag na walang siyang kinalaman hinggil sa patuloy na bentahan ng ipinagbabawal na “sex ring” sa isang bahagi ng Avenida Rizal na nagkataong nasasakupan niya. Sinabi ko sa aking kolum na isang chairman ng isang barangay ang itinuturong protektor ng mga vendors ng “sex ring” at hindi ko sinabi o ipinahiwatig na mismong si Chairman Lising ang may kinalaman sa isyung ito. Hindi ko alam kung bakit ganun na lamang ang
reaksyon ni Chairman Lising hinggil sa aking isinulat! Boyet Munar

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply