Kaalyado ni PNoy ipapalit kay Paje

ISANG kapartido ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang posibleng iupo bilang bagong kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) oras na matapos na ang isang-taong pagbabawal na makaupo sa isang appointive position ng mga tumakbo at natalo sa nakaraang eleksyon.

Ayon kay Sen. Serge Osmeña, si Nerius Acosta ang napipisil ni Pangulong Aquino na mamuno sa DENR.

“Neric’s (Acosta) appointment is looming,” ayon kay Osmena. “He is a known environmentalist and a professor with academic achievements here and abroad.”

Nilinaw ng senador na hindi pangmatagalan ang pagkakatalaga kay Paje sa posiyon nito.

Katunayan aniya ay hindi ito dumaan sa Commission on Appointments.

Naniniwala rin si Osmeña na malaki ang maitutulong ni Acosta sa DENR dahil na rin sa pagiging environmentalist nito.

Idinagdag nitong wala siyang nakikitang hadlang sa kumpirmasyon ni Acosta.

Si Acosta ay malapit na kaibigan ni Pangulong Aquino at tumakbo sa pagka-senador sa ilalim ng Aquino-Roxas ticket noong 2010.

Magugunitang sinabi nang Malakanyang nitong nakaraang Enero na papalitan si Paje bilang DENR secretary at itatalaga siya bilang kinatawan ng pamahalaan sa United National Educational, Scientific and Cultural National Commission in the Philippines.

Gayundin, kinumpirma ni Osmeña na mananatili sa puwesto si Jesse Robredo bilang kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil kuntento naman ang Malakanyang sa performance nito.

“I am fairly certain that President Aquino will retain him (Robredo) and probably submit his name (to the CA) already,” ani Osmeña.

“He’s is doing a good job,” giit ni Osmeña.

Ito ay sa gitna ng kumakalat na espekulasyon na ang troubleshooter ng Pangulo na si dating Sen. Mar Roxas ang ipapalit kay Robredo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply