Kahit nagbitiw na, kaso vs Gutierrez ‘wag ihinto

NAGBUNYI ang sambayanang Pilipino sa ginawang pagbibitiw sa puwesto nitong si Merceditas Gutierrez bilang ombudsman habang papalapit ang sana’y gagawing impeachment trial laban sa kanya sa Senado sa susunod na buwan.

Sa kanyang pagre-resign, awtomatikong magiging moot and academic ang napipintong impeachment trial na ginastusan pa man din ng Senado, partikular sa mga damit na susuotin ng mga senador na tatayong hurado. Sayang lang!

Tama lang ang sinabi ni Rep. Neil Tupaz, chairman ng House committee on justice, na ang pagbitiw sa puwesto ni Gutierrez ay hindi nangangahulugan na makakalibre na ang huli sa mga inihandang kaso na may kaugnayan sa pagpapa-impeach sa kanya.

Dapat lang na huwag tantanan ng kaso itong si Gutierrez. May bulung-bulungan kasi na maaaring ang pagbasura ng mga kaso laban kay Gutierrez ang naging kapalit ng boluntaryong pagbitiw nito kaya’t personal pa niyang iniabot ang resignation letter kay Pangulong Aquino.

Abangan na lang natin kung ano ang mga gagawinng aksyon laban kay Gutierrez ng susunod na itatalagang ombudsman at mga deputy ombudsman sa darating na mga araw.

* * * * * * * *

Ang pag-resign daw ni Gutierrez sa kanyang puwesto ang umpisa ng kalbaryo ni Ginang Gloria Arroyo at ng asawa nitong si Mike, gayundin ng mga kasapakat nila sa patung-patong na kasong administratibo at kriminal na ikinasa ng mga kalaban nila noong panahon nila.

Benggansa man o hindi ang turing dito, iisa lang ang puno’t dulo. Ito ay ang maraming anomalyang kinasangkutan ng dating first couple at hindi rin ito lingid sa kaalaman ng taumbayan.

At ito na rin marahil ang dahilan kung bakit sa dinami-dami na karapat-dapat na maging ombudsman ay si Gutierrez ang kanilang itinalaga.

Kaya’t aminin man o hindi ni Gutierrez, tuta lang siya ng mag-asawang Arroyo noong nakaraang administrasyon. ‘Ika nga, hawak sa ilong at leeg.

‘Yun nga lang, napakinabangan din naman ni Gutierrez ang pagiging tuta.

Na-rebisa na ba ng Commission on Audit ang pondong nagamit ng Office of the Ombudsman sa buong termino ni Gutierrez? Hindi ba’t pinasobrahan pa ni Arroyo noon ang pondo nito?

Sa Mayo 6 magiging epektibo ang resignation ni Gutierrez kaya’t maraming mga opisyal ng gobyerno, partikular sa hanay ng mga mambabatas, ay medyo tagilid pa dahil baka pabaunan sila ng mga kaso ng papaalis na ombudsman. He, he, he!

* * * * * * * *

Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0999-4333437 o kaya’y e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply