Kapalaran ni Gonzales nakasalalay sa SC

NAKASALALAY sa magiging desisyon ng Supreme Court (SC) ang kapalaran ni Deputy Ombudsman Emilio A. Gonzales, III dahil magsisilbi nitong test case sa kapangyarihan ng Office of the President sa pagsibak ng opisyal ng naturang tanggapan.

Ganito ang paniniwala ni  Sen. Francis “Chiz” Escudero, chairman ng senate committee on justice and human rights, matapos mag-umpugan ang Malakanyang at ang Ombudsman kung sino ang may karapatan na sumipa kay Gonzales.

Ayon kay Escudero, magandang “test case” ito dahil wala pang kaliwanagan ang batas kung ang isang Deputy Ombudsman ay maaaring managot sa Pangulo ng bansa o sa Ombudsman at Impeachment Court lamang.

“Hindi pa kasi nangyayari iyan sa nakalipas na ang isang Deputy Ombudsman ay tinanggal ng Pangulo, magandang test case iyan sakaling umakyat sa Court of Appeals at sa Supreme Court(SC) ang usapin na iyan,” paliwanag ng senador na tanging kinatawan ng Senado sa Judicial and Bar Council (JBC).

Nanindigan ang Malakanyang na tanging ang Ombudsman lamang ang matatanggal sa pamamagitan ng impeachment at hindi ang mga Deputy Ombudsman.

Nagmatigas naman si Ombudsman Merceditas Gutierrez na hindi niya masisibak si Gonzales dahil sa naabsuwelto na ito ng kanilang Internal Affairs Board sa pagpapabaya sa kaso ni dating Sr. Insp. Rolando Mendoza.

Ipinaliwanag pa ni Ombudsman Merceditas Gutierrez na ang Ombudsman ay “independent” sa ibang sangay ng gobyerno, alinsunod sa Section 4, Article XI ng 1987 Constitution at ng Section 21 ng Republic Act 6770.

“Definitely, ang Supreme Court lamang ang makakapagdesisyon dito,” giit ni Escudero. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply