Kasal nina Robin at Mariel sa Simbahan hinaharang

HINDI umano sang-ayon ang Simbahang Katoliko sa planong church wedding ng celebrity couple na sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez.

Ito ay ayon kay retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Paliwanag ng arsobispo, hindi maaaring payagan ng Simbahang Katoliko ang pag-iisang-dibdib ng dalawa dahil sa ilang probisyon sa Islamic Law, na taliwas sa kanilang turo.

Dagdag pa ni Cruz, sa paniniwala ng Simbahang Katoliko ang isang lalaki ay maaari lamang magpakasal sa isang babae, na taliwas sa paniniwalang Islam, kung saan ang isang lalaki ay maaaring magpakasal sa maraming babae.

Binigyang-diin pa ng arsobispo na kung magpapakasal ang isang babaeng Katolika sa isang lalaki, na ang paniniwala ay maaari siyang magpakasal sa maraming babae, ay wala ring bisa ang naturang kasal.

Bukod dito, naniniwala rin ang arsobispo na bago magpakasal ang dalawa sa simbahan ay dapat ding ikonsidera nila ang unang kasal ni Padilla kay Liezl Syncangco, ina ng kanyang mga anak.

“Hindi sa ayaw mong ikasal eh. Kundi ang isang babaeng Katolika na ang kanyang paniniwala ay isang babae at isang lalaki, kapag siya ay ikinasal sa isang lalaki na ang paniwala ay dalawa, tatlo o apat [na babae], walang bisa ang kasal na iyon sapagkat iyon ay salungat na salungat sa banal na kasulatan at ng simbahan na isang babae, isang lalaki. Hindi puwede sa kanya iyong isang lalaki equals apat na babae. Ang mga Muslim, mayroon silang paniniwalang ganyan,” paliwanag ni Cruz.

“Ang una niyang kasal, ano ba iyon? Iyon ba ay may bisa o walang bisa? Kung may bisa hindi na puwedeng ikasal. Kung walang bisa, puwede siyang ikasal sa Katolika,” ani Cruz.

Sa panig naman ni Rodriguez, sinabi nito na may kasunduan na sila ni Padilla na siya na lamang ang magiging babae sa buhay nito.

“Actually, ang naging agreement talaga ni Robin, that was the only thing I asked for, when we started, pin-lay down niya ang cards niya. Sabi niya ito siya, may pamilya siya, may mga anak siya, may foundation siya, mahal niya ang Mindanao. Ako naman sabi ko, okay lang sa akin ang lahat, pero ako, gusto ko, ako lang. Ang he agrees,” paliwanag naman ni Rodriguez.

Una nang nagpakasal sina Padilla at Rodriguez sa India, at plano ng mga ito na idaos ang kanilang church wedding ngayong Hunyo. Kyle Gatus

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply