Kaso ng HIV sa bansa patuloy sa paglobo

MAHIGIT na sa 6,000 ang naitatalang positibo sa HIV sa bansa.

Ito ang inihayag ni LPGMA Partylist Rep. Arnel Ty, matapos masawi ang isa pang biktima ng AIDS.

Ayon kay Ty, nasa kabuuang 159 ang naitatalang bagong kaso ng HIV simula lamang nitong buwan ng Pebrero kumpara sa 130 ng parehong buwan noong 2010.

Dahil sa naitalang bagong kaso ng HIV, umabot sa 311 ang may HIV simula lamang ng pagpasok ng 2011 at sa kabuuan ay nasa 6,326 ang naitatalang positibo sa HIV ng National HIV and AIDS Registry.

Kaugnay nito, kahapon, Marso 31 ay isang biktima ng AIDS ang namatay na sa kabuuan ay nasa 324 na simula 1984.

Sa naitalang 159 na bagong kaso ng HIV ang 144 dito ay kalalakihan at 15 naman ay babae, 44 ang kabataan na nag-eedad mula 15 hanggang 24 taong gulang.

Labing siyam dito ay pawang mga overseas Filipino worker na 15 ay lalaki at apat ang babae.

Si Ty ay pangunahing humihikayat sa kaniyang mga kasamahan sa Kongreso na repasuhin ang 1998 AIDS Prevention and Control Law upang lumakas ang kampanya ng gobyerno laban sa nakahahawang sakit.

Tinukoy ng mambabatas sa kaniyang inihaing  House Resolution 724 na kailangang amiyendahan na ng Kongreso ang mga probisyong nakapaloob sa naturang batas dahil batay sa obserbasyon, hindi sapat na kontrolin ang pagkalat ng sakit na AIDS/HIV sa buong bansa.

Nauna ng nagbabala ang Department of Health (DOH) sa naka-aalarmang paglobo ng HIV infections lalo na sa kabataan.

Ang Kamara ay nagtakda na ng deliberasyon sa kontrobersyal na Reproductive Health Bill na nagsusulong sa paggamit ng makabagong paraan sa pagpaplano ng pamilya kabilang ang paggamit ng condom.
Lumalabas sa pag-aaral na siyam sa 10 kaso ng HIV at AIDS ay nakuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

Maging ang Philippine National AIDS Council ay nagbabala na maaaring umabot sa 46,000 sa 2015 ang kaso ng AIDS sa bansa kung hindi maaksyunan ng gobyerno upang mapigilan ang pagkalat nito.

Ayon din sa World Health Organization (WHO), ang Pilipinas at anim pang ibang bansa gaya ng Armenia, Bangladesh, Georgia, Kazakhstan, Kyrgyzstan, at Tajikistan na nasa alarmadong bilang na ang kaso ng HIV. Meliza Maluntag

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply