Mambabastos sa watawat ng Pinas pagmumultahin
PAGMUMULTAHIN at sasampahan ng kasong administratibo ang sinumang empleyado ng gobyerno na lalabag sa batas sa pagiging makabayan at pagpapahalaga sa watawat ng Pilipinas.
Ito ang nilalaman ng House Bill No. 4384 na inakda ni Rep. Roger Mercado (lone district ng Southern Leyte) na naglalayong paataasin ang antas ng respeto at paggalang sa watawat ng bansa lalo na sa government employees.
Ayon sa mambabatas, ang watawat ng bansa ay maituturing na sagrado dahil sumisimbolo ito sa pagiging makabayan.
Mahigpit na ipinag-uutos sa panukala na iwawagayway ang bandila ng Pilipinas sa lahat ng lugar na dapat nitong kalalagyan tulad ng kampo ng militar, sa lahat ng mga gusali ng pamahalaan at mga kilalang establisimyento sa bansa.
Ani Mercado, dapat na magbigay-galang din sa bandila ang mga nasa pribadong tanggapan.
Nakasaad sa panukalang batas na papatawan ng parusang administratibo ang sinumang empleyado ng gobyerno at mga pribadong indibiduwal na lalabag dito.
Gayundin, pagmumultahin din ang lumabag dito alinsunod sa probisyon ng New Civil Code at sa Revised Penal Code.
You must be logged in to post a comment Login