KMU kay PNoy: Wage hike bill sertipikahan

HINAMON ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III na sertipikahan ang panukalang P125 legislated wage hike na nakahain sa Mababang Kapulungan.

Naniniwala ang KMU na isang paraan para mabigyan ng angkop na umento sa sahod ang mga manggagawa ay sa pamamagitan ng pagtulak ng Pangulo sa wage hike bill na nasa Kamara.

Sinabi ni KMU chairman Elmer Labog, kung talagang gusto ng Pangulo ay magagawan niya ng paraan para mabigyan ng tamang dagdag suweldo ang mga manggagawa.

Hindi kinatigan ni Labog ang katwiran ng Malakanyang na walang magagawa ang Pangulo sa isyu ng dagdag-sahod dahil sa labas na ito sa kanyang kapangyarihan.

Kung nanghihimasok ang Pangulo sa ibang tungkulin ng lehislatura tulad na lamang ng ibang priority measures at maging sa impeachment complaint laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez, imposibleng walang magagawa ang Punong Ehekutibo sa legislated wage hike.

Samantala, pinabulaanan naman ng IBON Foundation na ikababagsak ng mga negosyo sa bansa ang pagbibigay ng P125 umento sa sahod para sa ating mga manggagawa.

Base kasi sa pag-aaral ng IBON, kayang ibigay ng mga negosyante ang P125 na umento sa sahod nang hindi nadidiskaril ang ekonomiya ng bansa gaya ng pangamba ng iba.

Ang ganitong halaga umano ng dagdag sa sweldo ang magbibigay ng agarang tulong sa mga manggagawa bagama’t hindi ito sasapat para mgkaroon ng disenteng uri ng pamumuhay.

Batay rin sa survey ng National Statistics Office (NSO) sa mga negosyo at industriya, may kabuuang kita na P895.2 bilyon ang mga establisimiyento na may hanggang 20 empleyado.

Dahil dito, aabot lamang sa P135.6 bilyon o 15.1% ang mababawas sa kabuuang kita ng mga negosyong ito kung pagbibigyan ang P125 wage increase at may matitira pang kabuuang kita na P759.6 bilyon.

Higit na kaya umano ng top 1000 corporations sa bansa ang magbigay ng ganoon kalaking umento sa sahod dahil ang kabuuang kita ng mga ito ay umangat pa ng P756 bilyon nitong 2009 mula sa P116.4 bilyon noong 2001.

Ipinaliwanag pa ng IBON na makabubuti pa nga sa ekonomiya ang sapat na pagtaas sa sweldo dahil mapalalakas nito ang demand sa mga produkto at serbisyo. Robert C. Ticzon

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply