Kotong cop tiklo sa loob ng presinto

ARESTADO sa isinagawang entrapment operation ng Marikina Police ang kanilang kabaro na sangkot sa pangongotong sa dalawang naarestong sangkot sa droga Huwebes ng hapon, Abril 14, sa loob mismo ng Marikina PNP headquarters.

Kinilala ng nasabing pulis na si PO2 Robert Muega, 33, nakatalaga sa Marikina City Police Station Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force.

Ang suspek ay inireklamo ng mga kaanak ng naarestong sina Renato Olandes alyas “Tapay”, 39, at  Vilma Taway, 46, kapwa residente ng Champaca I, Brgy. Fortune, Marikina City.

Ang entrapment operation ay pinamunuan nina Marikina City vice mayor, Fabian Cadiz, at COP Sr. Supt. Gabriel Lopez matapos na makatanggap ng reklamo sa mga kaanak ng naaresto.

Sa ulat, isinagawa ang pag-aresto dakong alas-3:30 ng hapon sa tanggapan ng  SAIDSOTF kung saan ay isinagawa ang negosasyon sa suspek at mga nagreklamo.

Aktong tinatanggap ng suspek ang puting sobre na may lamang P5,000 na siyang nagsilbing marked money nang damputin ng kanyang mga kabaro.

Sina Olandes at Taway ay naaresto dakong alas-5:00 Miyerkules ng hapon, Abril 13, ng maaresto sa isang drug operation kung saan ay hinihingan  ng P30,00 ang mga ito kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.

Dahil sa nabigatan sa hinihingi ay lumapit sa tanggapan ng bise alkalde ang mga kaanak at isinagawa ang pagdakip sa suspek.

Ayon kay Cadiz matagal na siyang nakakatanggap ng reklamo sa mga residente kaugnay ng ginagawang pagbangketa ng suspek sa kanyang mga nahuhuli. Jhie Convocar

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply