Liver cancer, Hepa-B awareness month aprubado na sa Kamara

INAPRUBAHAN na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang tuwing Enero ay itakda ang Liver Cancer at Hepatitis-B Awareness and Prevention Month.

Layunin ng House Bill 988 ang pagpapalaganap ng wastong edukasyon at mga programa para sa proteksyon laban sa Hepatitis-B at sakit na kanser sa atay, lalo na sa mga bagong silang na sanggol.

Ang Liver Cancer at Hepatitis-B Awareness and Prevention Month Act ay pangunahing iniakda ni Negros Occidental Rep. Alfredo D. Marañon III, chairman ng House Committee on Health, dahil sa nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong kinakapitan ng naturang karamdaman.

Ayon sa mambabatas, kailangang kumilos ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na aniya ay bantang panganib lalo na sa mga sanggol.

Isang komprehensibong edukasyon at programa para sa kamalayan ng mga mamamayan sa naturang sakit ang dapat na ipatupad na pangungunahan ng Department of Health (DOH), katuwang ang bawat pamahalaang lokal upang matiyak ang makasaysayang paggunita sa okasyon.

Sa ilalim ng panukala, ang programang pang-edukasyon ay magbibigay ng mahahalagang impormasyon tulad ng: kadahilanan ng mga naturang karamdaman, papaano ito nakukuha, mga wastong lunas para sa Hepatitis-B, mga benepisyo ng pagbabakuna, at kadahilanan ng pangangailangan ng bakuna sa mga sanggol na ibibigay sa loob ng 24 oras matapos itong isilang.

Kaakibat ni Marañon sina Pampanga Rep. Anna York Bondoc at Iloilo Rep. Augusto Syjuco sa paghahain ng panukalang batas. Beth Aragon

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply