Lolang OFW nakauwi makaraan ang 26 taon sa KSA

NAKAUWI na rin sa bansa Miyerkules ng umaga, Abril 6, ang 75-taong gulang na overseas Filipino worker (OFW) na si Irene Sto. Domingo makaraan ang 26 taong pananatili sa Kingdom of Saudi Arabia.

Dumating si Sto. Domingo mula Riyadh sakay ng Gulf Airways kasama ang gumabay sa kanyang si Maribel Carisusa ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh.

Hindi kaagad makauwi si Sto. Domingo sanhi ng pagkabigong makakuha ng exit visa mula sa orihinal niyang employer na kanyang inabandona bunga ng hindi pagbabayad sa kanya ng tamang sahod.

Si Sto. Domingo ng Sta Cruz Manila ay umalis sa bansa noong taong 1985 upang magtrabaho sa Riyadh bilang mananahi subalit nagpasiyang lisanin ang kanyang employer noong 2001 dahil sa maling pasahod at nagtrabaho sa iba kahit walang kaukulang dokumento.

Ginawa naman ng Embahada ng Pilipinas ang kaukulang hakbang upang mabigyan ng exit visa si Sto Domingo at sinagot din ang pagbibigay sa kanya ng tirahan sa Bahay Kalinga habang hinihintay ang proseso ng kanyang dokumento para makabalik sa bansa.

Sinalubong naman ng kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at ng tanggapan ng Department of Foreign Affairs Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) si Sto Domingo upang asistihan sa customs at immigration. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply