Lungsod ng child laborers

NAGULAT ako sa isang balitang natanggap ng Remate Online newsroom kahapon.

Kung ang lahat pala ng mga Filipinong nagtatrabaho na kahit menor de edad pa o child laborers ay iipunin mo sa isang lugar, makakabuo ng isang malaking lungsod tulad ng Quezon City.

Aba’y 2.4 milyon pala sila. Puwede nang magbuo ng party-list, ‘ika nga. At tiyak tatlong puwesto ang kanilang masusungkit sa Kamara de Representantes.

Karamihan sa kanila ay hindi nag-aaral, kaya’t mas malamang sa hindi ay mananatili silang mahihirap.

Ang datos kong nabanggit ay mula sa Philippine Labor Force Survey (LFS) sa isinagawa nitong pag-aaral noong Abril 2010.

Tinukoy din ang ilang probinsya kung saan mas marami kaysa karaniwan ang bilang ng mga nagtatrabahong mga bata. Ang mga ito ay Masbate, Northern Samar, Quezon Province at Bukidnon.

May personal akong karanasan tungkol sa child labor, subalit bilang isang manunulat pa rin.
Nainterbyu ko ang isang nagtrabahong batang babae ilang taon na ang nakararaan.

Hindi ko maaaring tukuyin ang pangalan natin siya kaya’t tawagin na lamang natin siyang Anna.

Trese anyos at nasa first year high school na si Anna sa isang mataas na paaralan sa Bukidnon nang alukin siya ng guro na maging kasambahay. Tiniyak ng ng huli na na pag-aaralin siya.

Dahil sa dahop at ginagapang ng mga magulang ang pag-aaral, sinunggaban na ni Anna ang alok.
Nahihirapan kasi ang kanyang kalooban tuwing makikita ang hirap ng mga magulang na buhayin siya at mga kapatid niya.

Ngunit iba ang kanyang mararanasan sa bahay ng kanyang titser.

Dahil sa dami ng ipinagagawa sa kanya, may mga araw na hindi na siya nakapapasok sa eskwelahan. Kailangan niyang huminto sa pag-aaral.

Ngunit higit doon ay naranasan niya ang pinakamasamang bangungot ng isang babae—ang mapagsamantalahan.

May hitsura si Anna at dalagita na. Ito ang agad napansin ng walang-trabahong asawa ng kanyang titser. Halos araw-araw ay pinupwersa at minomolestiya siya ng kanyang among lalaki.

Matapos ang mahigit-isang-taong impyerno ay hindi na siya nakatiis at ikinuwento ang kanyang paghihirap sa isang kaklase. Ang huli, na miyembro ng United Church of Christ in the Philippines, ay nagsumbong naman sa kanyang pastor.

Naging mahirap ang proseso ng pagliligtas kay Anna, ngunit napagtagumpayan din naman. Kinupkop si Anna ng Lingap Pangkabataan, isang non-government organization na may shelter program para sa mga child laborers at abused children sa Davao City.

Upang matupad ang pangarap, nag-enroll siya sa Alternative Learning System o ALS ng Department of Education.

Matalino si Anna. Honor student siya noong nag-aaral pa, kaya’t nakapasa agad at nakagradweyt sa high school.

Ngayon ay second year na sa kolehiyo si Anna. Kumukuha siya ng kursong social work. Pangarap niyang makatulong sa mga batang naaabuso. Ibig niyang mabawasan ang mga child laborers at mga abused children na tulad niya.

Bihira at mabibilang sa daliri ng isang kamay ang mga kasong katulad ng kay Anna. Hindi marami ang naililigtas mula sa mga kuko ng mga nang-aabuso at nakasisilay ng pag-asa.

May isang “lungsod” pa ng mga nagtatrabaho at naaabusong bata sa bansa na kailangan ang pagliligtas.  Fort Nicolas

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply