Mabigat ang loob sa Holy Week dahil sa langis at toll

NAPANSIN nating mabigat ang loob ng maraming mamamayan sa Semana Santa.

Para sa mga nagbibiyahe, ramdam na ramdam nila ang epekto ng sobra-sobrang mahal na langis at toll sa mga highway sa Metro Manila.

Bukod kasi sa naging dahilan ang langis at toll ng pagtaas ng pamasahe, pati ang mga bilihin ay nagmahal din nang todo.

Ang mga motorista o may dala-dalang sasakyan ang kabilang sa mga nakaramdam ng napakabigat na problema sa langis. Ke public conveyance o private ang dalang sasakyan ng mga motorista, nakaiiyak talaga ang presyo ng langis.

Kung halimbawang nasa P56 ang gasolina at P50 ang diesel sa Metro Manila, makalalayo lang sila nang kaunti ay may dagdag nang P5-6 kada litro.

Grabe rin ang bigat ng toll na hindi basta masingil nila sa mga pasahero, sa hanay ng mga pampublikong sasakyan lalo na.

Dito sa Metro Manila, isinusumbong naman sa atin ang mga bus na may biyaheng Fairview-Quiapo-Baclaran. Ang mga bus dito, bukod sa nagti-trip cutting sa Quiapo o Luneta, ay naniningil ng may dagdag na P10-P15. Ang pagkakaalam ng mga pasahero, eh, P1 lang ang dagdag at hindi P1 kada kilometro.

Dapat na linawin ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Itong mga public transport naman para sa mga lalawigan gaya ng mga bus at barko ay nagtanggal na ng mga discount bilang bunga ng mahal na toll at langis. Kung hindi umano nila gagawin ito ay kailangan nilang magdagdag ng singil sa pasahe. Mayroon na ngang bus na naniningil din ng pambayad sa toll sa mga pasahero at walang magawa ang mga ito kundi magbigay.

Lahat na rin ng bilihin ay nagmamahal dahil sa pagmamahal ng langis at toll.

Basta’t  lumakad ang mga produkto sakay ng sasakyan at daraan sa mga toll, doble taga ang sinasapit ng mga biyahero at negosyante.

Kaya naman ipinapasa nila sa presyo ang oil price hike at toll hike.

Diyan na nagtataas ang presyo ng mga bilihin.

oOo

Ano-ano na ang ginagawa nina Pangulong Noynoy Aquino sa mga problemang ito?

Itinuturing ba nilang gawa ng Diyos ang mga ito kaya sinasabi nilang wala silang magagawa?

Por Diyos por Santo.

Pangulong Noynoy, tiyak na lalong sesemplang ang rating ninyo sa susunod.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply