Mag-ina nahagip ng ligaw na bala kritikal

NABULABOG ang mahimbing na pagtulog ng mga residente sa isang barangay nang humingi ng saklolo ang mag-ina matapos silang tamaan ng ligaw na bala habang natutulog sa loob ng kanilang bahay ngayon, Lunes ng madaling araw, Abril 18, sa Taguig City.

Kaagad na isinugod sa Taguig-Pateros District Hospital ng mga nagmalasakit na kapitbahay sina Jainab Balimbingan, nasa hustong edad, na nahagip ng bala sa batok, at anak na si Jomar, siyam na taon, na tinamaan naman sa tiyan.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Taguig City police chief, Sr. Supt Tomas Apolinario, na magkatabing natutulog ang mag-ina sa loob ng kanilang tirahan sa Poolan St., Purok 4, Central Bicutan, nang magising ang mga ito sa tama ng bala dakong alas-12:15 ng hatinggabi.

Nagising umano si Jainab nang pumalahaw ng iyak ang anak na si Jomar at nagulat na lamang siya nang makitang duguan ang bahagi ng katawan ng bata na tinamaan ng ligaw na bala.

Nalaman na lamang ng ina na nasapol din siya ng bala nang maramdaman niya ang pag-agos ng dugo mula sa kanyang batok.

Sinabi ni Sr. Supt Apolinario na wala namang nangyaring kaguluhan o insidente ng barilan sa labas ng tirahan ng mag-ina bago nangyari ang insidente kaya’t posibleng ligaw na bala mula sa hindi pa batid na lugar ito nagmula. Johnny F. Arasga

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply