Mag-ingat sa ‘heat stroke’ ngayong tag-araw – DOH

INAASAHAN ng Department of Health (DOH) ang patuloy na pagkakaroon ng napakainit na temperatura sa bansa sa mga susunod pang araw bunsod ng pormal nang pagpasok ng summer season.

Dahil dito, muling nagpalabas ang DOH ng paalala ang sa publiko na uminom ng mula walo hanggang 12 baso ng tubig upang makaiwas sa heat stroke.

Ayon kay Dr. Eric Tayag, direktor ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang hindi pag-inom ng tubig ay maaaring makapagdulot ng dehydration.

Payo pa ng health official, maliban sa madalas na pag-inom ng maraming tubig, hangga’t maaari ay maligo ng hanggang sa tatlong beses sa isang araw.

Dapat din umanong iwasan na magbilad sa araw simula ika-10 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon, na katindihan ng sikat ng araw.

“Ngayon po ang ina-advice naming e uminom ng tubig hangga’t kaya. Huwag na nilang hintayin na makaramdam sila ng uhaw dahil ang uhaw ay sign na ng dehydration,” payo naman ni Dr. Lyndon Lee Suy, hepe ng Emerging and Re-emerging Diseases ng DOH.

Dagdag pa ni Lee-Suy, kung hindi maiwasang magbilad sa sikat ng araw ay magsuot na lamang ng sombrero at gumamit ng payong.

Una nang naitala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Martes ang isa sa pinakamainit na araw sa bansa.

Ipinaalala rin ng DOH sa publiko na maging maingat upang hindi mahawa ng mga sakit na madaling makuha kahit sa pamamagitan lamang ng pakikipagbeso-beso at pakikipagkamay.

Ayon kay Tayag,  kahit sa pamamagitan lamang ng “beso-beso” at pagkamay ay maaaring mailipat ang iba’t ibang uri ng sakit na madaling makahawa, tulad ng chickenpox o bulutong at tigdas.

Aniya, isang linggo bago pa man lumabas ang sintomas ng bulutong ay maaari nang makahawa na ito sa mga taong hindi pa nagkakabulutong sa pamamagitan ng direct contact.

Sa mga unang araw aniya ay hindi agad ito mapapansin dahil maaari pang lumabas ang bulutong makalipas ang ilang araw.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply