Mag-ingat sa mga kolorum at tampered

MAHIGIT isang linggo na lang ay Semana Santa na.

Siyempre pa, makilos ang mamamayan.

Merong mga deboto na kung saan-saan nagtitirik ng kandila, kahit malayo.

Makilos din maging ang mga negosyante.

Kahit hindi Katoliko o Aglipay ang mga ito at hindi naniniwala sa banal na araw, basta pagkakakitaan, gagawa at gagawa ng mga paraan ang mga ito para kumita.

May nagtitinda ng tubig, kakanin, prutas, kandila, rosaryo, agimat, pamaypay, orasyon at kung ano-ano pa.

Dito nasisira ang mga paninira sa isa’t isa na walang mapupunta sa langit kundi sila lang at sa impiyerno didiretso ang iba pag natigok sila.

Para makakilos ang mga deboto at negosyante, karaniwang gumagamit ang mga ito ng mga sasakyan.

Yung mga walang sariling  sasakyan ay umaarkila. Dito dapat na mapagbantay ang mamamayan.

Dapat marunong silang kumilatis kung carnapped ang kanilang inaarkila o ginagamit. Ganundin na dapat nilang bantayan kung tampered o kolorum ang mga sasakyan.

Yang kolorum ay walang prangkisa o kung mayroon man ay peke naman.Yang tampered ay iba ang ruta sa nasasaad sa prangkisa.

Pare-parehong hindi ligtas ang mga pasahero sa mga carnapped, kolorum at tampered.

Problema nga lang kung paano sila maaamoy na ganyan ng pangkaraniwang mamamayan. Dahil galing lahat sa LTO ang papeles ng mga yan.

Kapag may disgrasya, bahala ka sa buhay mo.

Kung kukunin ka ni Lord sa disgrasya, parang binitay ka sa droga. Mahihirapan kang maghabol ng bayad sa iyong buhay, kabaong atbp.

Sa saklang-patay ka na lang makababawi.

Kapag nagkadurog-durog ang iyong katawan, mahihirapan ka ring maghabol.

Kapag naihagis ka sa labas ng sasakyan na nadisgrasya, baka pagbintangan ka pa na inihabol mo lang ang iyong sarili sa lugar para magkapera.

Ganyan katindi ang nagaganap sa mga carnapped, kolorum at tampered na sasakyan.

Oo nga pala, mismong ang mga ligal na kompanya ay may sariling kolorum, tampered at carnapped na sasakyan. Paano nga pala ang kaligtasan ng mga pasahero at mga karapatan nila sa paghahabol ng mga danyos sa oras ng disgrasya?

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.  Benny Antiporda

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply