MALAMIG NA LANGIT (Ika-29 labas)

SI Louie ang magiging assistant ni Romano sa isasagawang heart transplant operation.

Sabay silang nagsuot ng surgical dress, mask, gloves at iba pa.

Tatlong nars naman ang nakatakdang umalalay sa kanila.

Ilang saglit pa at sinimulan na nila ang operasyon.

Palit-palit ang surgical knife na ginagamit ni Romano.

Gayundin ang scissors na importante rin sa ganoong pagkakataon.

May nars na naka-ready sa kanyang tabi para pahiran siya ng pawis.

Tumagal ng ilang oras ang operasyon pero tila walang kapaguran.

Anyong sanay na ang binata sa marathon operation na gaya nito.

Hangang-hanga tuloy sa kanya si Louie gayun din ang mga nars na naging bahagi sa maselang heart transplant operation.

Umabot ng apat na oras ang operasyon.

Pagod pero nasisiyahan si Romano.

Alam niya na maayos niyang nagampanan ang kanyang misyon.

Magkasabay silang nagtungo ni Louie sa doctor’s quarter at pinalitan ang suot na surgical dress.

Matapos ito, nagyaya si Romano na magtungo sa canteen.

Kanina raw na nagsasagawa siya ng operasyon ay hindi nakakaramdam ng gutom.

Pero ngayon, gutom na gutom ang kanyang pakiramdam.

Kumakain na sila ng dalawang babaeng doktor ang bumungad sa pintuan ng canteen.

Kilala niya ang isa pero hindi ang batambata pang kasama.

“Sino iyong kasama ni Dr. Santillan?” tanong ni Romano kay Louie sabay nguso sa babae.

“Si Dra. Charlene Gorospe. Isang obstetrician. Bago lang siya rito. Kaga-graduate lang niya sa isang school of medicine sa US pero sa sariling bansa gustong magtrabaho,” karakang pakilala naman ng kaibigan sa magandang doktora.

“Okey siya! Isa siyang makabayan!” sabi ng binatang siruhano.

Dumaan sa tabi nila si Charlene.

Karakang binati naman ito ni Louie sabay pakilala kay Romano.

“Yes I knew him!” mabilis namang tugon ng dalaga. “Sino ba ang hindi makakakilala sa kanya.

Lagi siyang laman ng mga balita sa radyo, telibisyon at tabloids.”

“It’s all over. Tapos na ang panahong iyon. Magaling na si Dr. Santamaria kaya hindi na dapat pang pag-usapan ang kanyang nakaraan,” mabilis na sabi ni Louie.

“Naka-offend ba ang sinabi ko? I’m sorry, dok!” mabilis na paghingi ng paumanhin ng dalaga.

“You’re welcome!” matipid ang ngiti sa mga labi na sagot ni Romano.

Naupo ang dalawang doktora malapit sa mesa ng dalawa.

Omorder sila ng pagkain.

Napupuna ng binata, habang kumakain ay pasulyap-sulyap sa kanya ang dalaga.

Maya-maya’y biglang bumulong sa kasama.

Kahit hindi naririnig ni Romano ang kanilang pinag-uusapan, naiintindihan niya.

Guwapo raw naman pala siya pero sayang.

Kasi’y sa patay daw siya naiinlab at hindi sa buhay.

Nang biglang tumayo si Louie …

Parang nasira raw ang kanyang tiyan kaya hangos na pumunta ng CR.

Naiwan si Romano …

Tahimik na hinintay niya ang pagbabalik ng kaibigan.

Ayaw niyang kausapin ang dalawang doktora sa kalapit.

Pero si Dra. Manalo ang nagsalita.

“Kumusta na ang lagay ni direktor, Dr. Santamaria?” tanong nito.

Napilitang sumagot ng binata.

“Unconcious pa rin siya pero alam ko na ligtas na siya. Given him a few days at puwede na siyang makausap,” sabi ni Romano.

“Bilib na talaga ako sa iyo, dok. Tama na si Louie na hindi na siya kailangang dalhin pa sa ibang bansa. Kayang-kaya mo siyang operahan,” masayang puri sa kanya ni Dra. Manalo.

Hindi kumibo ang binata.

“Di tuloy-tuloy na ang pagbabalik mo rito sa ospital, dok!” patuloy naman ng babaeng doktora.

“Hindi siguro. Pinakiusapan lang ako ni Louie kaya ako naririto. Dahil ang totoo, wala na akong lisensiya para ipagpatuloy ang pag-oopera bilang isang siruhano,” malungkot na sagot ng binata. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply